Home METRO PBBM, itinaguyod kalusugan, kapakanan ng mga mag-aaral sa Santiago City

PBBM, itinaguyod kalusugan, kapakanan ng mga mag-aaral sa Santiago City

5
0

SANTIAGO CITY, ISABELA, Philippines – Bumisita si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Patul Elementary School sa Santiago City nitong Biyernes upang saksihan ang pagpapatupad ng Home-Grown School Feeding (HGSF) at iba pang programa para sa kalusugan at kapakanan ng mga mag-aaral.

Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng sapat na pagkain at pangangalaga sa kalusugan ng mga bata.

“At kaya pinagsasama-sama po namin at hindi lang namin tinitingnan ang mga nangyayari sa classroom, ngunit pati na ang kalusugan ng ating mga kabataan. Kaya mayroon tayong feeding program,” ani Pangulong Marcos.

Tumulong si Marcos at Education Secretary Sonny Angara sa pamamahagi ng pagkain sa mga mag-aaral at nakipag-usap sa mga lokal na magsasaka na nagsusuplay ng pagkain para sa programa.

Sa ilalim ng School-Based Feeding Program (SBFP), nagbibigay ng mainit at masustansyang pagkain sa mga mag-aaral gamit ang mga produktong direktang binibili mula sa lokal na mga magsasaka.

“Hindi lang ito basta pagpapakain sa ating mga mag-aaral; isang paraan ito para matiyak na malusog at handang matuto ang ating mga kabataan,” ani Angara.

Kasama rin sa pagbisita ang Kaagapay Program, kung saan tinuturuan ang mga magulang kung paano mapoprotektahan ang mga bata laban sa bullying, online abuse at iba pang panganib.

“Through the Kaagapay Program, binibigyan natin ang mga magulang ng tamang kaalaman at gabay para mabilis na matukoy ang red flags ng bullying o online abuse,” ani Angara.

Ayon naman sa School Parent-Teacher Association (SPTA) Federation President Jimmy Vic Elardo, mahalaga ang pagbisita ng Pangulo dahil ipinapakita nito ang suporta ng pamahalaan sa kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.

“Una ay nagpapasalamat tayo ng napakarami sapagkat bibihira yung mapuntahan ng ating mahal na Pangulo … para lamang suportahan ang ating adbokasiya na maging ligtas ang lahat ng paaralan,” ani Elardo.

Tinalakay rin ang pagpapalakas ng seguridad sa mga paaralan, kabilang ang paggamit ng metal detector scanner, gayundin ang feeding program para sa mga batang nangangailangan ng dagdag na nutrisyon.

May 41 pampublikong paaralan sa Santiago City na may humigit-kumulang 5,000 estudyante sa elementarya at high school.

Ang HGSF ay bahagi ng SBFP at nakabatay sa Republic Act No. 11037 o Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act. Layunin nitong mapabuti ang nutrisyon ng mga bata habang sinusuportahan ang lokal na mga smallholder farmer. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here