MANILA, Philippines – Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., araw ng Biyernes, ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak lalo na kung may pagbabago sa pag-uugali ng mga ito.
Nanawagan ang Pangulo para sa higit na pagbabantay para mapigilan ang school violence kasunod ng serye ng insidente ng pamamaril kung saan sangkot ang mga estudyante.
Ang panawagan ay kasunod ng shooting incidents sa Tacloban City, Zamboanga City, at South Cotabato na nagresulta ng pagkamatay at pagkasugat ng ilan.
“Bantayan po natin nang mabuti ang ating mga bata, ang ating mga anak. Bantayan po natin na hindi sila nasasama sa mga ganyang klaseng kagagawan. At ito po ay hindi madaling gawin, kailangan po nakabantay tayong lahat at sabay-sabay tayong lahat,” ang sinabi ni Pangulong Marcos matapos bisitahin ang Patul Elementary School sa Santiago City, Isabela.
“Sabay-sabay, kasama ang mga magulang – siyempre kayo ang una na kailangan tingnan ninyo ‘yung mga kabataan kung nagbabago, magiging masyadong malungkot o masyadong galit o lahat na, basta kailangan bantayan,” dagdag na wika nito.
Binigyang diin pa ni Pagulong Marcos na ang pagprotekta sa mga kabataan ay shared responsibility ng mga magulang, guro at gobyerno.
“Pareho ‘yung national government pati local government, kailangan po tayong lahat ay magkaisa at tulungan natin at bantayan natin na tiyakin na ang mga bata, ang mga anak natin ay makapag-aral nang mabuti at sila ay ligtas at walang masamang pangyayari ang ating makikita muli,” anito.
Hindi aniya katanggap-tanggap ang mga pangyayari na nakita Tacloban, sa Zamboanga, sa South Cotabato.
“At ito talaga ay dumudugo ang puso, hindi lamang ng mga pamilya, kapamilya ng mga nasawi, kung hindi ang buong bansa,” ang tinuran ng Pangulo.
“So be assured that the government is working closely with our teachers, parents, barangay worker, and other stakeholders to make our schools more secure. We are committed to providing our youth, our parents, and communities with the knowledge and resources to prevent and respond to school violence,” ang sinabi pa rin ng Pangulo. (KRIS JOSE)