DUMAGUETE CITY, Philippines – Arestado ang isang high-value drug suspect matapos makumpiska ang tinatayang P7.8 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Barangay Balugo nitong Biyernes ng umaga, Oktubre 2.
Isinagawa ng City Drug Enforcement Unit ng Dumaguete City Police Station ang operasyon alas-11:19 ng umaga sa Purok Santol.
Kinilala ng Police Regional Office-Negros Island Region (PRO-NIR) ang suspek sa alyas na “John,” 35-anyos at residente ng Barangay Batinguel.
Nakuha mula sa kanya ang tinatayang 1,150 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P7.8 milyon, kasama ang buy-bust money at iba pang ebidensya.
Ayon sa pulisya, nagsimula ang operasyon sa impormasyong ibinigay ng isang confidential informant tungkol sa umano’y pamamahagi ng suspek ng ilegal na droga sa ilang barangay sa lungsod. Sa surveillance at validation, natukoy umanong kumukuha siya ng supply mula Cebu.
Sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nagsagawa ang mga awtoridad ng drug transaction na nauwi sa pagkakaaresto sa suspek matapos ang bentahan. Sa isinagawang body search, nakakuha rin ang mga pulis ng karagdagang sachet at isang pakete ng hinihinalang shabu.
Ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan sa konstitusyon gamit ang wikang kanyang nauunawaan. Inimbentaryo at isinaproseso rin ang mga nakumpiskang item sa lugar sa presensya ng suspek at mga kinakailangang saksi.
Dinala si alyas “John” sa Dumaguete City Police Station para sa booking habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri ni PRO-NIR Director Brig. Gen. Rudecindo Reales ang mga operatiba sa pagkakagambala sa umano’y lokal na drug supply chain.
“This accomplishment demonstrates our firm resolve to confront the illegal drug trade and protect our communities from its harmful effects,” pahayag ni Reales.
“We will act decisively on validated information, pursue those involved in the distribution of illegal drugs, and disrupt their operations before they can cause greater harm,” dagdag niya. RNT/MDS