Home NATIONWIDE PBBM, pinasalamatan mga magulang sa kanilang ambag sa edukasyon

PBBM, pinasalamatan mga magulang sa kanilang ambag sa edukasyon

1
0

MANILA, Philippines – Pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga magulang sa kanilang mahalagang papel sa pagpapabuti ng sistema ng edukasyon sa bansa.

Sa pagbisita niya sa Patul Elementary School sa Santiago City, Isabela, sinabi ng Pangulo na kailangan ang pagtutulungan ng mga magulang, guro at pamahalaan para matiyak ang magandang pag-aaral at kaligtasan ng mga bata.

“Ating mga magulang, kayo ay napakahalaga para pagandahin ang education system natin dito sa Pilipinas. Alam naman natin ang dinadaanan ng bawat magulang, mga sakripisyo, ‘yung mga ginagawa, pagtulong para sa mga anak ninyo para maging maganda ang kanilang pag-aaral,” ani Pangulong Marcos.

Binanggit din ng Pangulo ang mga programa ng pamahalaan para sa kalusugan at kapakanan ng mga mag-aaral, kabilang ang School-Based Feeding Program at ang Home-Grown School Feeding modality.

Ayon sa Pangulo, saklaw din ng mga hakbang sa pangangalaga sa kalusugan ang mga guro at magulang sa pamamagitan ng PhilHealth YAKAP Program.

“Mayroon din tayong YAKAP Program na sinasama natin para ‘yung nagpapatingin, hindi lang ang estudyante, pati teacher, pati magulang, pinapatingnan natin,” ani Pangulong Marcos.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang pangangailangang magtulungan ang buong komunidad para maprotektahan ang mga bata laban sa karahasan at iba pang panganib sa paaralan.

“Kailangan po lahat tayo ay magkaisa at magsama-sama tayo. Bantayan po natin nang mabuti ang ating mga kabataan,” dagdag ng Pangulong Marcos.

Ayon sa Pangulo, hindi lamang pagtuturo sa loob ng classroom ang dapat tutukan sa edukasyon, kundi pati ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral.

“Kaya ganito po ang ginagawa namin sa larangan ng edukasyon. Hindi lang po ang pagtuturo sa classroom kung hindi pati po ang pag-aalaga sa kalusugan ng kabataan at ang kanilang kaligtasan sa kanilang eskwelahan,” ani Pangulong Marcos. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here