MANILA, Philippines – Ipapatawag ng Bureau of Customs (BOC) ang ilang “influencers” na umano’y nag-eendorso o nagbebenta ng ilegal na vape products online bilang bahagi ng imbestigasyon sa network sa likod ng smuggling ng mahigit P1.4 bilyong halaga ng mga ilegal na vape.
Ito ang pinakamalaking nasabat na shipment ng illicit vape products sa isang operasyon sa kasaysayan ng BOC, na kamakailan ay winasak ng ahensya.
“Ipapatawag po natin ang influencers na ito, ang nag-i-endorse ng mga produktong ito dahil kailangan po nating pagpaliwanagin sino po ba ang kausap nila, sino po ba ang nagmamay-ari ng mga produktong ito,” pahayag ni BOC Deputy Chief of Staff Atty. Chris Noel Bendijo sa PTV nitong Biyernes, Oktubre 2.
Ayon kay Bendijo, naglabas na sila ng letter of authority matapos makatanggap ng intelligence information tungkol sa mga umano’y koneksyon ng mga influencer sa nasabing mga produkto.
“Patuloy po ang imbestigasyon natin, which is ongoing po ‘no, upang matukoy talaga natin kung sino ang nagmamay-ari ng mga produktong ito at masampahan ng kaukulang kaso,” aniya.
“Kailangan natin makausap ang influencers na ito at nang sa ganoon ay makita natin sino ba ang kausap nila, sino ba ang nag-udyok sa kanila upang iendorso ang mga produktong ito, at nang sa ganoon ay mahuli talaga natin kung sino ang nasa likod nitong mga napakalaki produktong ito,” dagdag ni Bendijo.
Sinabi rin ng opisyal na inaasahan nila ang mga bagong tangkang pagpupuslit ng ilegal na vape matapos maantala ang supply chain nito.
“Ngayon, maghihigpit pa rin po, patuloy naman ang ating paghigpit sa ating mga pantalan dahil kasama po ito sa talagang binabantayan po natin habang nagbabalangkas po ang ating Kongreso, ang ating lehislatura patungkol sa pagtataas pa po ng mga buwis na maaaring ipataw sa mga produktong ito dahil napakapanganib po sa kalusugan ng ating mga kababayan ang mga ganitong produkto,” pahayag niya. RNT/MDS