SOUTH COTABATO, Philippines – Arestado ang isang 30-anyos na lalaki at nasamsam sa kanya ang tinatayang P510,000 halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Polomolok nitong Biyernes, Oktubre 2.
Ayon sa Police Regional Office 12 (PRO-12), isinagawa ang operasyon alas-11:09 ng umaga sa isang waiting shed sa national highway sa Barangay Silway 8.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Jat-jat,” residente ng Barangay Tambler sa General Santos City at itinuturing ng pulisya na high-value individual.
Nakuha mula sa kanya ang anim na sachet na naglalaman ng tinatayang 75 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P510,000.
Nasamsam din ang P1,000 buy-bust money, isang .357 Magnum revolver na may tatlong bala, dalawang cellphone, timbangan, sling bag at iba pang personal na gamit.
Isinagawa ang operasyon ng Regional Police Drug Enforcement Unit 12 kasama ang iba pang police units at Polomolok Municipal Police Station, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 12.
Isinailalim sa forensic examination ang mga nakumpiskang droga habang nananatili sa kustodiya ng Polomolok police ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng mga kaso.
Ayon kay PRO-12 regional director Brig. Gen. Alan Manibog, patuloy nilang hahabulin ang mga sangkot sa ilegal na kalakalan ng droga.
“The message of this operation is clear: We will continue to go after those selling illegal drugs and make sure they are held accountable under the law,” pahayag ni Manibog.
“PRO-12 will not stop working to maintain safe and peaceful communities,” dagdag niya. RNT/MDS