Home METRO P4.2M ilegal na droga, nasamsam sa Laguna

P4.2M ilegal na droga, nasamsam sa Laguna

5
0
(Image representation only)

LAGUNA, Philippines – Tinatayang P4.2 milyon halaga ng ilegal na droga ang nasamsam at 292 katao ang naaresto sa 258 anti-drug operations sa magkakahiwalay na lugar sa Laguna mula Setyembre 1 hanggang 30, 2026.

Batay sa report ng Laguna Police Provincial Office sa pamumuno ni PCol Sandro Jay DC Tafalla, nakumpiska ang 617.25 gramo ng hinihinalang shabu at 125.32 gramo ng marijuana na may kabuuang halaga na P4,259,441.

Ayon sa Laguna PPO, resulta ang mga nasamsam na droga ng tuloy-tuloy na operasyon laban sa ilegal na droga upang mapigilan ang pagkalat ng ipinagbabawal na gamot sa lalawigan.

Binigyang-diin din ng pulisya ang mahalagang papel ng publiko sa kampanya kontra ilegal na droga, partikular sa pagbibigay ng napapanahon at mapagkakatiwalaang impormasyon para matukoy at maaresto ang mga sangkot sa ilegal na gawain.

Patuloy naman ang Laguna PPO sa pagsasagawa ng mga operasyong naaayon sa batas at karapatang pantao, kabilang ang intelligence-driven operations, kasabay ng pakikipagtulungan sa komunidad upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan at kaligtasan.

“Ang pagkakasamsam ng halos ₱4.2M halaga ng ilegal na droga sa loob lamang ng isang buwan ay patunay ng ating tuloy-tuloy na pagsisikap na mailayo ang mga ipinagbabawal na gamot sa ating mga lansangan at komunidad. Patuloy nating paiigtingin ang ating mga operasyon at palalakasin ang pakikipagtulungan sa mamamayan upang mapigilan ang paglaganap ng ilegal na droga sa Laguna,” ani PCol Tafalla. Ellen Apostol

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here