CAVITE, Philippines – Isang lalaki na umano’y sangkot sa ilegal na droga ang naaresto matapos makuhanan ng baril na walang lisensya, mga bala at drug paraphernalia sa search warrant operation sa Barangay Poblacion 2, General Mariano Alvarez (GMA), Cavite nitong Biyernes, Oktubre 2.
Bandang alas-8:45 ng umaga nang isagawa ng pinagsanib na mga tauhan ng GMA Municipal Police Station ang operasyon sa bisa ng search warrant na inilabas noong Setyembre 30, 2026 ng Regional Trial Court Branch 109 sa Carmona, Cavite.
Sa isinagawang paghahalughog sa tirahan ng suspek, narekober umano ang isang caliber .38 revolver na walang serial number at may lamang tatlong bala.
Narekober din ang isang karagdagang caliber .38 bullet, dalawang bala ng 12-gauge shotgun, dalawang bala ng caliber 9mm at isang bala ng caliber .45.
Bukod sa mga armas at bala, nakumpiska rin umano ang isang improvised glass tooter na may hinihinalang residue ng shabu at isang aluminum foil na may hinihinalang residue ng parehong ilegal na droga.
Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa custodial facility ng GMA Municipal Police Station habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. MARGIE BAUTISTA