MANILA, Philippines – Bahagyang bumubuti na ang kalidad ng hangin sa Metro Manila matapos makapagtala ng “very unhealthy” na lebel ang ilang lugar nitong mga nakaraang araw dahil sa kombinasyon ng transboundary haze mula Indonesia at lokal na polusyon.
Nagsimulang lumala ang air quality noong Setyembre 29 at pinakamataas ang polusyon noong Setyembre 30 bago bahagyang bumaba noong Oktubre 1 at patuloy na bumuti.
Noong Setyembre 30, kabilang sa mga nakapagtala ng “very unhealthy” PM2.5 levels ang Las Piñas, Parañaque, Muntinlupa, Caloocan at Taguig. Isa sa mga nakitang dahilan ng EMB ay thermal inversion, na nagkukulong sa mga pollutant malapit sa lupa.
Partikular na binabantayan ang PM2.5 dahil napakaliit ng mga particle nito at maaaring makapasok sa bloodstream. Maaari nitong palalain ang asthma, cardiovascular diseases at iba pang respiratory diseases.
Noong Setyembre 13, dalawang monitoring station naman ang nakapagtala ng “acutely unhealthy” air quality, na mas mataas na antas kaysa “very unhealthy.”
Ipinaliwanag ng DENR na hindi lamang haze mula Indonesia ang sanhi ng mahinang air quality. Kabilang din sa lokal na pinagmumulan ang industriya, mga sasakyan, pagsusunog at alikabok mula sa mga hindi sementadong kalsada.
Nakaaapekto rin sa kalidad ng hangin ang direksyon ng hangin, temperatura, atmospheric pressure, dami ng trapiko at kondisyon ng mga gusali sa paligid.
Patuloy na hinihikayat ng DENR ang publiko na bantayan ang air quality advisories. Para sa kailangang lumabas kapag mataas ang pollution, inirerekomenda ng Department of Health ang paggamit ng N95 mask. Pinapayuhan din ang mga motorista na gamitin ang recirculation mode ng air-conditioning ng sasakyan. RNT/MDS