MANILA, Philippines – Nailibing na ang 14-anyos na estudyanteng napatay sa shooting incident sa Banga National High School sa South Cotabato.
Kasabay nito ay nananawagan pa rin ng hustisya ang pamilya, mga kaklase, guro, kaibigan at kasamahan sa simbahan sa pangyayari.
Ang estudyanteng biktima ay inilibing na sa Banga Holy Trinity Memorial Park mahigit dalawang linggo matapos ang pamamaril sa paaralan na nag-iwan ng tatlong estudyanteng nasawi sa insidente.
Sa necrological service nitong Biyernes, nanawagan sa mga awtoridad ang mga pamilya at miyembro ng Youth of the Iglesia Filipina Independiente, kung saan ito ay aktibong miyembro, na hanapin ang katotohanan at mapanagot ang mga may sala at sangkot dito.
Nagpasalamat din ang pamilya sa lahat ng mga sumuporta at nakiramay.
Samantala, nakauwi na sa bahay ang anim na estudyanteng naospital dahil sa pamamaril. RNT/JGC