BENGUET – Nasa kustodiya ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency -Cordillera (PDEA-CAR) ang anim na indibidwal matapos maaresto sa isinagsawang pagsalakay sa isang pinaghihinalaang drug den sa lungsod ng Baguio nitong Sabado, Oktubre 3.
Ayon kay PDEA-CAR Regional Director Edgar T. Jubay, ang mga suspek ay kinilala sa kanilang mga alyas na “Carding,” 45, ng Baguio City; “Mark,” 30, ng La Union; “Jeff,” 34, ng Cagayan; “Mary,” 33, ng Baguio City; “Julie,” 31, ng Baguio City; at “Mila,” 52, ng Pangasinan.
Sa naturang operasyon ay nakumpiska mula sa mga suspek ang 16 na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu na tinatayang may timbang na humigit-kumulang sa 11 gramo.
Bukod sa hinihinalang droga ay may nakuha rin ang mga operatiba na iba’t ibang drug paraphernalia.
Tinatayang nagkakahalaga ng ₱74,800 ang hinihinalang ilegal na droga na nakumpiska ng mga operatiba mula sa mga suspek.
Ang operating team ay binubuno ng magkasanib na puwersa ng PDEA-CAR Regional Special Enforcement Teams Alpha at Bravo, Baguio City Police Office Drug Enforcement Unit, at Baguio City Police Station 1.
Pinuri ni Director Jubay ang maayos na koordinasyon ng mga law enforcement unit na naging daan sa matagumpay na operasyon.
Kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11, 12, at 15, Article II ng Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kahaharapin ng mga suspek. Rolando S. Gamoso