MANILA, Philippines – ARESTADO ang isang bebot na sangkot umano sa pagtutulak ng illegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P666,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Sa ulat, ikinasa ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang buy bust operation laban sa 34-anyos na bebot sa koordinasyon sa PDEA, kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities nito.
Matapos umanong tanggapin ng suspek ang marked money mula sa isa sa mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu, kaagad siyang dinakip ng mga operatiba alas-11:37 ng gabi sa Brgy., Coloong 2.
Nasamsam sa kanya ang humigi’t kumulang 98 grams ng suspected shabu na may estimated Standard Drug Price (SDP) na P666,400.00 at buy bust money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa Northern Police District, patuloy nilang pinaiigting ang mga operasyon laban sa ilegal na droga bilang bahagi ng kanilang pangako na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan, at protektahan ang mga komunidad mula sa masasamang epekto ng ilegal na droga. Merly Duero