Bulacan – Pinaghandaan na ng pamahalaang lungsod ng Malolos ang pagdating ng pinakamalupit na Super El Niño na itinuturing na matinding tag-init, tagtuyot na mararanasan sa buong mundo.
Sa isang panayam kay Mayor Christian Natividad nitong Huwebes ng hapon, Oktubre 1, sinabi niya na noong buwan pa lamang ng Mayo ay nagpatawag na sila ng Task Force na maaring tumugon sa pinakamabigat na Super El Niño na magaganap sa buong mundo.
Aniya, nakipagpulong na rin sila sa lahat ng sektor sa kanilang lungsod na maaaring direktang maapektuhan ng naturang phenomenon gaya ng sektor ng agrikultura.
Patuloy din silang makikipag-ugnayan sa mga ahensiya ng gobyerno na may kinalamam sa suplay ng tubig upang mapag-aralan ang kaukulang hakbang para matipid na magamit ang mga resources sa tubig.
Pinayuhan ng alkalde ang publiko na magtipid sa pag-gamit ng tubig at alagaan ang kalikasan.
“Magtipid tayo ng mga resources natin, subukan nating balikan ang kalikasan, magtanim tayo ng puno, alagan natin ang mga puno natin, huwag nating masyadong pinagpuputol yung mga nakatayong puno at huwag na tayong makadagdag ng kalat doon sa paligid natin, mga plastik na nakakasira ng kalikasan,” dagdag pa niya.
Sinasabing ngayong linggo ay muli silang magpapatawag ng pulong sa kinauukulan para sa epektibong pagtugon sa nasabing phenomenon lalo na sa kasagsagan ng init nito sa huling quarter ng taon hanggang sa unang quarter ng susunod na taon. Dick Mirasol III