Home HOME BANNER STORY P50K sahod, P5K PERA ipinanawagan ng mga guro sa harap ng Malakanyang

P50K sahod, P5K PERA ipinanawagan ng mga guro sa harap ng Malakanyang

3
0

MANILA, Philippines – Nagsagawa ng lightning protest ang mga guro, education workers at education students na kabilang sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa harap ng Malacañang, isang araw bago ang World Teachers’ Day.

Pangunahing panawagan ng grupo ang pagtataas ng entry-level salary ng mga guro sa P50,000, pagtaas ng Personnel Economic Relief Allowance (PERA) sa P5,000 at paglalaan ng katumbas ng 6 porsyento ng gross domestic product (GDP) ng bansa para sa edukasyon.

Ayon sa ACT, makatutulong ang mga ito upang tugunan ang kakulangan sa mga paaralan, lumalalang kondisyon ng mga pasilidad at patuloy na learning crisis.

Nanawagan din ang mga guro ng pananagutan mula sa administrasyong Marcos Jr. kaugnay ng mga alegasyon ng malawakang korapsyon at kawalan ng pananagutan sa pamahalaan habang nananatiling kulang ang pondo para sa edukasyon at iba pang pangunahing serbisyong panlipunan.

Sinabi ni ACT Secretary-General Raymond Basilio na matagal nang hinihiling ng mga guro ang disenteng sahod, dagdag na benepisyo at sapat na pondo para sa edukasyon.

“Matagal nang ipinagkikibit-balikat at dinadaan lang sa mga matatamis na papuri at pangako ng administrasyong Marcos Jr. ang tugon sa ating kagyat at makatwirang mga kahingian,” ani Basilio.

Hinamon niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patunayan ang pagkilala ng administrasyon sa mga guro at education worker hindi lamang sa pamamagitan ng mga talumpati at pahayag kundi sa agarang pagpapabuti ng kanilang kalagayan.

Iginiit din ni Basilio na may sapat na pondo ang pamahalaan para tugunan ang mga kahilingan ng mga guro kung maayos na ginagamit ang mga nakokolektang buwis at kaban ng bayan.

“Tama na ang kasinungalingang walang pera ang gobyerno para ibigay ang aming mga kahingian,” ani Basilio, habang binatikos ang umano’y paglustay at korapsyon sa pondo ng bayan.

Ayon sa ACT, magsasagawa naman ng malawakang mobilisasyon at martsa patungong Mendiola sa Oktubre 5, World Teachers’ Day, kasama ang libo-libong guro, education worker, iba pang government employee at mga kinatawan ng iba’t ibang sektor.

Isasagawa ito sa ilalim ng temang: “Dagdag sweldo, hindi dagdag trabaho! Ipaglaban ang karapatan at kagalingan, sapat na badyet at makabayang edukasyon!” RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here