MANILA, Philippines – Natukoy na ng Philippine National Police (PNP) Forensic Group ang 50 sa 71 bangkay na narekober mula sa nasunog na M/V June Aster sa karagatan ng Coron, Palawan noong nakaraang buwan.
Ayon kay Police Brig. Gen. Pierre Paul Carpio, director ng PNP Forensic Group, 21 bangkay pa ang hindi nakikilala. Lahat ng mga ito ay nasa hustong gulang na lalaki at babae, maliban sa isang bata.
Sinabi ni Carpio na bagama’t nangangailangan ng panahon ang proseso, wala silang nakikitang malaking problema sa pagkilala sa mga biktima dahil kumpleto ang kanilang anti-mortem standards para sa crossmatching.
“For everyone to know DNA is a sterile area so we have only this capacity for us to be able to conduct the DNA. After every case we clean all the laboratories for decontamination and sterility of the laboratory,” pahayag ni Carpio.
Patungong Palawan mula Maynila ang M/V June Aster nang masunog ito sa layong humigit-kumulang 1.2 nautical miles mula Coron. Umabot na sa 77 ang death toll, habang 43 ang nakaligtas at walo pa ang nawawala.
Sa 77 nasawi, 71 ang narekober mula sa nasunog na barko, lima ang nakuha mula sa dagat at isa ang namatay sa ospital.
Agad tinulungan ng PNP Forensic Group ang proseso ng pagkilala sa mga hindi pa nakikilalang biktima. Ayon kay Carpio, nasa tamang direksyon na sila upang makumpleto ang identification process.
Ang resulta ng pagkilala ay ipapasa sa local government unit ng Palawan, na siyang magbibigay ng impormasyon sa mga kamag-anak ng mga nasawi. RNT/MDS