Home NATIONWIDE Velasco, ‘di dumalo sa NBI sa ‘cash delivery’ claims

Velasco, ‘di dumalo sa NBI sa ‘cash delivery’ claims

6
0

MANILA, Philippines – Hindi humarap sina dating House Speaker Lord Allan Velasco at kanyang asawang si Rowena sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Lunes upang tugunan ang mga imbitasyon kaugnay ng mga alegasyon ng “cash delivery” ni dismissed police officer Rodulfo Gracioso Jr.

Tatlo nilang abogado ang dumating sa NBI headquarters sa Pasay City dakong alas-9:45 ng umaga bilang kinatawan ng mag-asawa.

Ayon kay Atty. Rowell Ilagan, isa sa mga abogado, bukod sa pagtugon sa invitation letters, nagtungo sila sa NBI upang pormal na humingi ng kopya ng affidavit ni Gracioso na naglalaman ng mga alegasyon laban sa kanilang mga kliyente.

Muling itinanggi ni Ilagan ang mga alegasyon at sinabing madaling gumawa ng impormasyon sa social media.

Hindi rin kinumpirma ni Ilagan kung naging aide ni Velasco si Gracioso, ngunit sinabi niyang magkakilala ang dalawa.

“Kilala po. Pero hindi po natin masabi kung ano po yung pagkakilala niya,” pahayag ng abogado.

Tumanggi rin siyang sabihin kung nasaan sa ibang bansa ang mag-asawa, ngunit iginiit na malaya silang bumiyahe bilang private individuals.

“Parang mali po yung isipin na parang tumakas sila? Mali po yung isipin. As private citizens, we can freely travel. That is one of our constitutional rights as an individual,” ani Ilagan.

Sinabi rin ng abogado na sasagutin nila ang iba pang alegasyon laban sa mag-asawa “at the proper forum and at the proper time.” Wala pa ring itinakdang bagong schedule ang NBI para sa kanilang pagharap.

Ayon sa Bureau of Immigration at NBI Director Melvin Matibag, umalis si Velasco patungong Nagoya, Japan noong Agosto 30 at dapat sanang bumalik noong Setyembre 14, ngunit wala pa ring rekord ng kanyang pagbabalik. Samantala, nagtungo naman si Rowena sa Hong Kong noong Setyembre 24 at dapat bumalik noong Setyembre 27.

Kabilang din sa inimbitahan ng NBI na humarap nitong Lunes sina Vice President Sara Duterte at Davao City First District Rep. Paolo Duterte. Humiling naman ang kampo ng Bise Presidente na ilipat ang kanyang investigative conference sa ibang petsa, habang hindi pa nakararating si Paolo sa NBI.

Ayon kay Gracioso, naghatid umano siya ng mahigit P2 bilyon kay Vice President Duterte, P1 bilyon sa dating Pangulo at P100 milyon kay Paolo Duterte sa magkakahiwalay na transaksyon simula 2018, umano sa utos ni Velasco.

Sumailalim muli si Gracioso sa lie detector test noong nakaraang Miyerkules. Ayon sa NBI, lumabas sa resulta ang “no deception indicated.”

Itinanggi naman ni Vice President Duterte ang mga alegasyon at sinabi niyang hindi niya kilala si Gracioso. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here