MANILA, Philippines – Umabot na sa 13 katao ang inaresto sa Metro Manila mula Agosto 2024 dahil sa umano’y koneksyon sa True Brown Style (TBS) group, habang pinaigting ng pulisya ang kampanya laban sa grupong sinasabing nangre-recruit ng mga menor de edad para sa kriminal na gawain.
Batay sa police records, dalawang suspek ang naaresto noong 2024, apat noong 2025 at pito ngayong taon.
Anim sa mga pag-aresto ay isinagawa ng Southern Police District, apat ng Manila Police District, dalawa ng Quezon City Police District at isa ng Northern Police District.
Ayon sa pulisya, ang 13 suspek ay inuugnay sa 21 insidente o paglabag, kabilang ang paglabag sa batas sa baril, illegal gambling, kidnapping o illegal detention at mga kasong may kinalaman sa droga.
Kabilang din sa mga umano’y paglabag ang pagnanakaw, homicide, human trafficking, cybercrime, paglabag sa Anti-Hazing Law, child abuse at grave coercion.
Sinabi ni NCRPO officer-in-charge Brig. Gen. Christopher Abrahano na patuloy nilang tutugisin ang mga miyembro ng TBS na sangkot sa ilegal na gawain, kabilang ang mga nanghihikayat o nakaiimpluwensya sa kabataan na gumawa ng krimen.
“Our children should never be used as tools for criminal activities,” ani Abrahano.
Sinabi niyang pinalalakas ng NCRPO ang intelligence gathering, pakikipag-ugnayan sa komunidad at koordinasyon upang maprotektahan ang mga menor de edad na nalalantad sa mga criminal group.
“We will pursue those who exploit children and ensure that our young people are protected from criminal influence,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na karamihan sa TBS ay nasa huling bahagi ng teenage years hanggang early 20s at umano’y nangre-recruit ng mga batang edad 14 o 15 at hinuhubog para sa kriminal na gawain. RNT/MDS