ORIENTAL MINDORO, Philippines – Patay ang isang 42-anyos na mangingisda matapos malunod habang sumisisid para hulihin ang isang malaking isda sa karagatan sa pagitan ng Tablas Island sa Romblon at Mindoro nitong Sabado.
Ayon kay Gilbert Esteban, barangay councilor ng Barangay B. Del Mundo sa Mansalay, nangyari ang insidente ilang minuto matapos ang alas-5 ng umaga.
Nasa kanilang pangulong, isang malaking bangkang pangisda, ang biktima at mga kasama nito at kasisimula pa lamang maghakot ng lambat nang bigla siyang tumalon sa dagat matapos makakita umano ng malaking isda.
Sinubukan umano ng biktima na habulin at hulihin ang isda sa ilalim ng tubig. Gayunman, mahigit 27 metro ang lalim ng lugar at tila kinapos siya ng hininga habang sumisisid hanggang sa tuluyang malunod.
Agad siyang sinubukang sagipin ng kanyang mga kasamang mangingisda, ngunit hindi na siya tumutugon nang maiahon.
Kalaunan ay idineklarang patay ang biktima at ibinalik ang kanyang mga labi sa Mansalay, Oriental Mindoro. RNT/MDS