MANILA, Philippines – Tinanggihan ni Senator-judge Francis Escudero, presiding officer ng Senate impeachment court, nitong Lunes ang mosyon ng depensa na huwag payagang tumestigo si Anti-Money Laundering Council Executive Director Ronel Buenaventura sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa kanyang ruling, sinabi ni Escudero na maaaring “identify, authenticate, and explain the report specified in the subpoena” ang testigo mula sa AMLC.
Pero binigyang-diin niyang hindi ito nangangahulugan ng malayang pagbubunyag ng mga kumpidensyal na impormasyon sa publiko.
Ani Escudero, dapat limitahan lang ang testimonya ni Buenaventura sa mga usaping may kaugnayan sa kaso at maaaring isagawa ito in camera o sa loob ng saradong silid kung kinakailangan.
“Either party may still object on grounds of authentication, relevance, hearsay, completeness, accuracy, admissibility, or evidentiary weight, or the presence or absence of personal knowledge,” dagdag niya.
Sa huli, ibinasura ni Escudero ang mosyon ng depensa “without prejudice to further objections” sa mismong pagharap ni Buenaventura.
Ayon sa depensa, ipinagbabawal ng Section 8A ng Anti-Money Laundering Act na ibunyag ng AMLC at ng kanilang secretariat ang impormasyong nakalap nila sa trabaho.
Sabi ni defense counsel Mark Vinluan, sakop ng pagbabawal na ito kahit sa impeachment proceedings.
“Will breach confidentiality, violate the law, and disregard the explicit warning by the AMLC, all in violation of the respondent’s accused rights,” aniya.
Hiniling ng depensa na i-exclude si Buenaventura bilang testigo at nagbabala na ang pagpayag sa pagbubunyag ng impormasyon ay maaaring maging precedent sa paghawak ng bank transaction records ng iba pang opisyal ng gobyerno at pribadong indibidwal.
Pero ayon kay Escudero, hindi dapat ipakahulugan ang confidentiality provisions ng AMLA bilang pagbabawal sa AMLC na gampanan ang investigative at litigation functions nito o sumunod sa legal na subpoena basta’t may judicial safeguards.
Binanggit din niya ang Section 2 ng Republic Act No. 1405 o Bank Secrecy Law na malinaw na nagpapahintulot sa pagsusuri ng bank deposits sa mga kaso ng impeachment o anumang legal na paglilitis.
“This ruling does not authorize unrestricted public disclosure. Testimony shall be confined only to relevant matters and may, when necessary, be received in camera as the case may be,” ani Escudero.
Inaasahang haharap si Buenaventura para ilahad ang mga tala ng AMLC habang nagpepresenta ng ebidensya ang prosecution para sa Article II ng impeachment complaint, na may kinalaman sa alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman laban kay Duterte. Ernie Reyes