PASAY CITY, Philippines – Nakumpiska ng Department of Agriculture (DA), sa pamamagitan ng National Meat Inspection Service (NMIS) at Inspection and Enforcement Unit, katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI), ang tinatayang 11.5 metriko tonelada ng hindi dokumentadong imported na produktong karne na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P5.19 milyon.
Isinagawa ang magkasanib na operasyon noong Setyembre 22 at 23 sa isang property sa C.A. Lucban Street matapos ang surveillance ng NBI at beripikasyon ng NMIS. Kabilang sa nakumpiska ang pecking duck, kalapati, tupa, yellow chicken, itim na manok at iba pang frozen meat products.
Ayon sa NMIS, hindi akreditado ang LCCI Food Condiments Trading at Sitphin Sari-Sari Store at hindi rin nakarehistro sa mga lokal na pamahalaan bilang meat cold-storage warehouse o meat depot.
Nakakuha ang NBI ng search warrants mula sa Regional Trial Court ng Pasay City. Tumulong ang NMIS sa inspeksyon, pagtukoy, pagdodokumento at pag-iimbentaryo ng mga nakumpiskang produkto.
Arestado rin ang dalawang Chinese national na kinilalang sina Wu Dun Han at Cai Huarong, na dinala sa Pasay City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings.
May kaugnayan ang kaso sa umano’y paglabag sa Section 48(c) ng Republic Act No. 9296, o Meat Inspection Code of the Philippines, na inamyendahan ng RA 10536. Saklaw nito ang pagbebenta, pagbiyahe o pamamahagi ng mga produktong karne na hindi dumaan sa kinakailangang inspeksyon.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na mahalaga ang operasyon upang maiwasang makapasok sa merkado ang mga karne na hindi dumaan sa tamang inspeksyon.
“Hindi nagtatapos sa pagmamanman ang aming responsibilidad. Kapag ang mga produktong karne ay hindi dokumentado o hindi sumailalim sa tamang inspeksyon, kailangan nating kumilos alinsunod sa batas upang maprotektahan ang mga mamimili at mapanatili ang integridad ng meat supply chain,” ani Tiu Laurel.
Binigyang-diin naman ng DA na hindi nangangahulugan ang isang enforcement operation na laganap ang ilegal na kalakalan ng karne. Sa halip, ipinapakita umano nito ang kahalagahan ng patuloy na pagmamanman at koordinasyon ng mga ahensya laban sa mga dokumentadong paglabag.
Dinala ang mga nakumpiskang produkto sa Supima Cold Storage sa Meycauayan, isang pasilidad na akreditado ng NMIS, habang hinihintay ang kaukulang disposition order mula sa korte. Ang mga karne na mapatutunayang hindi ligtas kainin ay itatapon alinsunod sa mga umiiral na alituntunin.
Hinimok ng NMIS ang mga mamimili na bumili lamang ng karne mula sa lehitimo at awtorisadong pinagkukunan at tiyaking may wastong inspection marks, labels at kinakailangang dokumentasyon. SANTI CELARIO/larawan ni DANNY QUERUBIN







