MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ng tatlong transport groups ang muling pagpapatupad ng Non-Contact Apprehension Policy (NCAP) sa ilang lungsod sa Metro Manila habang nakabinbin umano ang kanilang Motion for Reconsideration (MR) sa Korte Suprema.
Ayon kina Melencio “Boy” Vargas ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), Roberto “Obet” Martin ng Pasang Masda at Liberty De Luna ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), mas makabubuting hintayin muna ang aksyon ng Korte Suprema sa kanilang MR bago ipagpatuloy ng mga lokal na pamahalaan ang NCAP.
Kabilang ang ALTODAP, Pasang Masda at ACTO sa mga grupong humamon sa NCAP ordinances ng Manila, Quezon City, Valenzuela, Parañaque at Muntinlupa noong 2022 dahil sa mga isyu umano sa legal basis at due process ng sistema.
Noong Hunyo 3, 2026, ibinasura ng Korte Suprema ang consolidated petitions at inalis ang natitirang temporary restraining order laban sa pagpapatupad ng NCAP ng mga nasabing LGU. Ginawang publiko ang desisyon noong Hulyo 9.
Gayunman, nilinaw mismo ng Korte Suprema na ang dismissal ay hindi nangangahulugang idineklara nitong valid o constitutional ang mga kinuwestiyong NCAP issuances. Ibinasura ang mga petisyon dahil sa procedural issues at dahil naging moot ang ilang usapin kasunod ng pag-adopt ng Metro Manila Traffic Code of 2023.
Sinabi ng mga transport leader na naghain sila ng MR at naniniwalang dapat muna itong maresolba bago ipagpatuloy ang pagpapatupad.
“Hindi po ako abogado subalit ang pagkakaintindi ko ng batas ay hindi muna ipatupad ito dahil mayroon pang apela ang aming grupo tungkol sa paggamit nito,” ani Vargas.
“Susunod naman po kami, tiyak po iyon. Pero hindi naman siguro malaking kawalan sa mga LGU na ipagpaliban muna habang wala pang pinal na desisyon ang Korte Suprema,” dagdag niya.
Ayon naman kay Martin, kumonsulta siya sa kanilang abogado matapos mabalitaan ang planong pagbabalik ng NCAP.
“Ang paliwanag po sa atin ay wala naman pong nakasaad sa desisyon ng Korte Suprema na final and executory na ang dismissal ng aming petisyon. Mayroon po kaming karapatan para sa Motion for Reconsideration,” ani Martin.
Sa desisyon, sinabi ng Korte Suprema na ang dismissal ng petitions ay nakabatay sa kabiguan ng petitioners na malampasan ang procedural threshold issues at sa pagkakaroon ng bagong uniform regulatory framework, at hindi sa pagresolba sa substantive validity ng dating NCAP ordinances.
Samantala, sinimulan ngayong Oktubre 5 ang NCAP sa Manila, Quezon City, Parañaque, Muntinlupa at San Juan. Gumagamit ang sistema ng CCTV, digital cameras at iba pang teknolohiya upang maitala ang traffic violations nang hindi kinakailangang pahintuin ng traffic enforcer ang motorista. Santi Celario