Home OPINION KAMATAYAN, GUTOM SA SUPER EL NINO

KAMATAYAN, GUTOM SA SUPER EL NINO

5
0

NAKATATAKOT isiping marami, libo-libong Pinoy ang mamamatay dahil sa pagdating ng super El Nino na nagsimula na nitong Setyembre at matatapos marahil sa Mayo 2027.

Ayon sa Climate Impact Lab, maaaring may mamamatay na 6,500 Pinoy sa loob ng bansa dahil sa heatstroke.

Sa Southeast Asia na kinabibilangan ng Pilipinas, Vietnam, Thailand at Cambodia, maaaring umabot sa 19,400 ang mamamatay habang aabot sa 451,000 ang mamamatay sa buong mundo, lalo na sa mga “bulnerableng bansa.”

Kung titingnan, mga Bro, naglalaro sa 12 milyon ang mga Pinoy, karamihan overseas Filipino workers, ang nakakalat sa iba’t ibang bansa.

Kung ganyang halos kalahating milyon ang mamamatay sa buong mundo, hindi imposibleng may madadamay sa kamatayan na mga Pinoy sa ibang bansa.

Dahil dito, hindi kaya magdoble o magtriple ang bilang ng mga Pinoy na mamamatay?

MGA BULNERABLENG BANSA

Ayon sa mga pag-aaral ng mga siyentista sa climate change o pag-iinit ng panahon, marami talagang bansa ang delikado o bulnerableng bansa sa pananalasa ng super El Nino.

Bukod sa Pilipinas, Vietnam, Thailand at Cambodia, nagsimula na ring tamaan ang Indonesia at Malaysia na roon matatagpuan ang marami ring Pinoy/OFW.

Itinuturing ding “highly vulnerable” ang mga bansa sa Gitnang Silangan na roon matatagpuan ang umano’y mahigit sa 2 milyong OFW.

Tatamaan din ang mga bansang India, Nigeria, Afghanistan, Pakistan, Nepal, Bangladesh, Brazil, Peru and Ecuador.

Ayon naman sa Joint Research Center na nakabase sa Belgium, tatamaan din maging ang China at Australia na pagmumulan din ng matinding pandaigdigang krisis sa suplay ng pagkain.

Sa problemang pagkain, mga Bro, maaaring magkaroon ng krisis din lalo’t matatamaan ang mga bansang pinagkukunan natin ng bigas gaya ng Vietnam at Thailand at trigo arena para sa tinapay mula sa Vietnam at Australia.

Kaya naman, maaaring mayroon ding mamamatay sa gutom sa Pinas, hindi lang sa krisis sa suplay ng bigas kundi sa krisis sa presyo rin dito.

PAGHAHANDA NG GOBYERNO NASAAN?

Hindi dapat nakatuon lang sa mahal kong Pinas ang laban sa super El Nino.

Halimbawa, may mga mamamatay o nabalda na OFW, paano ang mga gastos sa pag-uwi ng kanilang mga bangkay o katawang paralisado at paano susuportahan ng gobyerno ang mga naulila o nwalan at tulungan silang bumangon?

Paano ring labanan ang gutom na nakamamatay kung magkakaroon ng krisis sa suplay at presyo ng pagkain mula sa binibilhan natin ng bigas, trigo at arina, halimbawa?

Sa loob ng Pinas, paano ang nasabing 6,500 na mamamatay at posibleng pagkabalda rin ng iba pa sa heatstoke?

Nasaan ang sapat na pondo para sa proteksyon natin laban sa nakamamatay na init ng panahon at nakamamatay ring gutom?

Alalahaning hindi kikilos ang gobyerno nang walang pondo.

Para sa mga buwan ng Oktubre hanggang Disyembre, nasaan ang mga pondo?

At ang panukalang badyet para sa 2027, may pondo rin bang inilaan laban sa super El Nino?

Kung aabot sa bilyon ang halaga para sa impeachment lamang at ibang bilyones pa ang ginagastos sa mga propaganda pabor sa pamahalaan at kung may pang-opisina lang ang Kamara na mahigit P27B at P58.5B pasa sa local government support fund ng Palasyo bilang pork barrel sa 2027, ayon kay Cong. Egay Erice, nasaan ang mga pondo laban sa super El Nino?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here