MANILA, Philippines – Kinondena ni human rights advocate Carlos Conde ang mga babala ng defense panel ni Vice President Sara Duterte tungkol sa posibleng criminal liability kaugnay ng pagsisiwalat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) documents, na tinawag niyang “absurd, desperate move” at tahasang pag-atake sa press freedom.
Si Conde ay dating senior researcher ng Human Rights Watch – Asia Division at dating secretary general ng National Union of Journalists in the Philippines (NUJP).
Ayon kay Conde, maaaring masyado pang maaga para masabing nagdulot na ito ng malawakang “chilling effect,” ngunit hindi niya ikagugulat kung naging mas maingat na ang ilang mamamahayag dahil sa patuloy na babala ng depensa.
Nagpahayag din siya ng pagkagulat na pinayagan ni Senate impeachment court presiding officer Francis Escudero na maihayag ang naturang babala, lalo’t nauna nang nagpasiya ang impeachment court na maaaring gamitin ang AMLC documents sa pagdinig.
“These documents are being trotted out openly in an impeachment court,” ani Conde. “I don’t think journalists should find it hard to justify reporting on these documents,” dagdag niya.
Nagsimula ang kontrobersiya nang mariing tanungin ni defense lawyer Mark Vinluan ang isang testigo tungkol sa mga probisyon ng Anti-Money Laundering Act (AMLA) at posibleng “breach of information security and confidentiality.” Binanggit ng depensa na may parusang 3 hanggang 8 taong pagkakakulong at perpetual disqualification sa public office ang paglabag.
Agad itong pinuna ni Senator-Judge Raffy Tulfo, na tinawag ang ginawa ng depensa na “intimidation” at “veiled threats.”
Hinimok naman ni Conde ang mga newsroom na gamitin ang insidente upang mas maging matatag sa patas na pag-uulat tungkol sa mga dokumento, habang iginagalang ang karapatan ng akusado sa due process.
“What the defense is doing is…a really desperate move to try to prevent the public in general from exposing these alleged transactions,” ani Conde.
“It is up to the media now to really reject that by being persistent in reporting what the documents say,” dagdag niya.
Sa paglilitis, paulit-ulit na sinabi ng testigo na hindi niya maaaring sagutin ang mga tanong tungkol sa AMLC records na wala sa saklaw ng subpoena ng korte.
Kalaunan, inatasan ni Escudero ang depensa na lumipat sa ibang linya ng pagtatanong matapos ipaalalang nabigyan na ng babala ang testigo tungkol sa mga legal na epekto ng kanyang testimonya. RNT/MDS