Home NATIONWIDE DILG: 12,241 telecom permits, naaprubahan sa 707 LGUs

DILG: 12,241 telecom permits, naaprubahan sa 707 LGUs

1
0

MANILA, Philippines – Umabot sa 12,241 permits at clearances para sa telecommunications infrastructure projects ang naaprubahan ng local government units (LGUs) sa buong bansa, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Saklaw nito ang 707 lungsod at munisipalidad, na inaasahang magpapabilis sa pagtatayo at pag-install ng mga telecommunications tower at iba pang internet facilities.

Ayon sa DILG, gumagamit ang mga LGU ng mas mabilis at pinasimpleng proseso sa pag-apruba ng mga aplikasyon ng internet providers bilang suporta sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaroon ng mas konektadong Pilipinas.

Patuloy rin umanong pinapayagan ng mga LGU ang pagpapalawak ng serbisyo ng telecommunications companies sa mga liblib at mahirap maabot na lugar, alinsunod sa Executive Order No. 32, o ang Streamlining the Permitting Process for the Construction of Telecommunications and Internet Infrastructure.

Sa ilalim ng kautusan, kailangang ipatupad ng mga LGU ang Zero Backlog Policy sa mga aplikasyon para sa telecommunications infrastructure. Minomonitor ito sa pamamagitan ng taunang pagsusumite ng listahan ng mga nakabinbing aplikasyon sa Anti-Red Tape Authority.

Sa ngayon, nasa 94 LGU pa ang nagpoproseso ng 2,046 aplikasyon para sa telecom infrastructure permits. Dapat itong aksyunan sa loob ng processing time na itinakda ng batas.

Binigyang-diin ng DILG na ang mabilis at transparent na pag-isyu ng permits ay bahagi ng responsableng lokal na pamamahala at makatutulong upang maiwasan ang hindi kinakailangang pagkaantala sa mga infrastructure project.

Nagbabala rin ang DILG na maaaring maparusahan sa ilalim ng Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business Law ang mga opisyal na nagdudulot o nagpapahintulot ng red tape sa pag-isyu ng permits at clearances.

Hinimok ng DILG ang mga LGU na ipagpatuloy ang pinasimpleng proseso upang mapalawak ang internet access at online government services, lalo na sa mga komunidad na kulang o limitado ang serbisyo. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here