Home NATIONWIDE Carlos Yulo, paparangalan ni Bam sa Senado sa double-gold medal sa 20th...

Carlos Yulo, paparangalan ni Bam sa Senado sa double-gold medal sa 20th Asian Games

3
0

MANILA, Philippines – Nagpaabot ng pagbati si Senador Bam Aquino sa Filipino gymnastics star na si Carlos Edriel Yulo kasunod ng kanyang makasaysayang pagkapanalo ng dalawang gintong medalya sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.

Ngayong Martes, iniabot ni Aquino kay Yulo ang kopya ng Senate Resolution No. 689 na kumikilala sa kanyang tagumpay bilang kauna-unahang Filipino gymnast na nagkamit ng gintong medalya sa Asian Games matapos magpasiklab sa men’s gymnastics competition. Kasama rin nila ang assistant coach ni Yulo na si Josh Garcia.

Inihain ni Aquino ang resolusyon noong Setyembre 30, 2026, kasunod ng performance ni Yulo sa individual floor exercise at vault events na nagbigay sa kanya ng dalawang gintong medalya.

Sa kanilang pulong, nangako si Aquino na palalakasin ang pagpapaunlad sa mga coach kasabay ng mga programa para sa mga batang atleta, at binigyang-diin ang pangangailangang lumikha ng mas maraming oportunidad para sa mga dating atleta na nais pumasok sa coaching career.

Tinalakay rin nila ang iba pang mga usapin, kabilang ang kakulangan ng mga physical therapist para sa mga atletang Pilipino at ang kahalagahan ng pagpapalakas ng mental health support para sa mga atleta, lalo na sa mga mentally demanding na sports tulad ng gymnastics.

Ibinahagi rin ni Aquino ang kanyang planong maghain ng panukalang batas upang palakasin ang suporta para sa mga atletang Pilipino at kanilang mga coach.

Naghain din ang Senador ng hiwalay na resolusyon upang kilalanin ang 447-kataong delegasyon ng Pilipinas at lahat ng atletang Pilipino na nagkamit ng medalya sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan, matapos mag-uwi ng pinakamalaking bilang ng medalya mula sa quadrennial meet sa loob ng anim na dekada.

Sa Senate Resolution No. 702, pinuri ni Aquino ang Philippine team sa pag-uwi nito ng 29 medalya—apat na ginto, siyam na pilak, at 16 na tanso—mula sa iba’t ibang sports sa ginanap na kompetisyon mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4, 2026.

Ang kabuuang medal tally ay pinakamalaki ng bansa mula nang makamit ng Pilipinas ang 42 medalya sa 1966 edition ng Asian Games sa Bangkok, Thailand. Nalampasan din ng koponan ang 18-medal tally ng bansa noong 2022 Asian Games. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here