Home NATIONWIDE Maagang paghahanda vs super El Niño, ipinanawagan ng Kamara

Maagang paghahanda vs super El Niño, ipinanawagan ng Kamara

1
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang mga lider ng House of Representatives sa pamahalaan at publiko na maghanda nang maaga sa kinatatakutang “super El Niño,” dahil sa posibleng banta nito sa kalusugan, suplay ng pagkain at tubig, produksiyon ng enerhiya, at mga pangunahing serbisyo.

Nanawagan sina Iloilo 1st district Rep. Janette Garin, Agusan del Norte 1st district Rep. Dale Corvera, vice chairman ng Committees on Appropriations at on Aquaculture and Fisheries Resources.

Hiniling ni Garin na isama ang kalusugan sa mga paghahanda ng gobyerno, dahil ang matinding init na kaugnay ng phenomenon ay maaaring magpataas ng panganib ng dehydration, heat exhaustion at heat stroke.

“Habang naghahanda ang gobyerno para sa posibleng matinding El Niño. Sana kasama sa paghahanda natin ang kalusugan,” ani Garin, na isang doktor at dating kalihim ng Department of Health (DOH).

Pinayuhan ng mambabatas ang publiko na uminom ng tubig kahit hindi nauuhaw, iwasan ang matagal na pagbabad sa araw lalo na mula tanghali hanggang hapon, at bantayan ang mga sintomas tulad ng matinding pagkahilo, panghihina o pagsusuka.

Hinimok din ni Garin ang publiko na higit na bigyang-pansin ang mga bata, senior citizen, outdoor worker at mga may dati nang karamdaman, na aniya ay kabilang sa pinakabulnerable sa matinding init.

“Tama na maaga tayong maghanda. Hindi kailangang matakot, pero huwag tayong magpabaya. Sa El Niño, hindi lang pagkain at tubig ang dapat nating paghandaan kundi pati ang kalusugan,” dagdag nito.

Samantala, nais ni Corvera ng mas matibay na disaster preparedness at risk mitigation measures, dahil inaasahang magtatagal ang umuusbong na super El Niño hanggang sa unang quarter ng 2027.

Inihain nito ang  House Resolution (HR) No. 1499, na humihiling sa mga kinauukulang komite ng Kamara na magsagawa ng imbestigasyon sa mga iniulat na epekto ng phenomenon at suriin ang kahandaan ng mga ahensiya at instrumentality ng gobyerno.

“The strong El Niño is currently active in the tropical pacific and is expected to intensify into a very strong El Niño by December 2026 which could bring prolonged rainfall deficits, increasing the risk of dry spells and drought, with potentially serious consequences for the country’s public health, food supply, water resources, and energy production,” ani Corvera.

Giit niya, ang posibleng tindi at haba ng phenomenon ay nangangailangan ng paghahanda ng mga ahensiya ng gobyerno at lokal na komunidad bago pa maramdaman ang pinakamapaminsalang epekto nito.

“We cannot afford to wait until the crisis is already upon us. We must prepare now to protect our people, secure our food and water resources, and minimize disruptions to our economy and essential services,” pagtatapos pa ni Corvera. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here