MANILA, Philippines – Inihayag ni Sen. Risa Hontiveros nitong Martes na nakatanggap ng pondo mula sa mga Chinese state-owned enterprises ang isang kumpanyang dati nang iniuugnay kina Vice President Sara Duterte at sa asawa nitong si Atty. Manases Carpio.
Sa kanyang interjection, sinabi ito ni Hontiveros sa pagdinig ng Senate impeachment court laban kay Duterte na tumatalakay sa alegasyong nakapag-ipon ang pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa ng hindi maipaliwanag na yaman.
Batay sa research ng opisina ni Hontiveros ang impormasyon at kapareho ito ng naunang pahayag ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na tumanggap ang Cale88 Foods Corp. ng P319 milyon mula sa China.
Noong Lunes, kinumpirma ni AMLC Executive Director Ronel Buenaventura sa korte na nagtala ang Cale88 ng P319 milyon na inward remittances mula sa mga kumpanyang nakabase sa mainland China at Hong Kong — halagang tumutugma sa sinabi ni Trillanes.
Sa pagdinig nitong Martes, tinanong ni Hontiveros si Buenaventura kung iniimbestigahan na ng AMLC ang mga Chinese company na nakatransaksyon ng Cale88. Tumanggi namang sumagot ang opisyal dahil aniya, sa mga dokumentong naka-subpoena lang ng impeachment court siya maaaring sumagot.
“Tiningnan ng opisina ko ‘yong mga ito, ‘yong mga binanggit na mga kompanya kahapon at lumalabas na ilan sa nagpadala ng pera sa Cale88 ay mga Chinese state-owned enterprises,” sabi ni Hontiveros.
Kabilang sa mga binanggit niya ang China National Township Enterprises, na ayon sa research ng kanyang opisina ay dati umanong nasa ilalim ng China’s Ministry of Agriculture.
Nasa public profile din umano ng kumpanya na “committed to serving the implementation of the country’s Belt and Road Initiative and foreign policy.”
Binanggit din ni Hontiveros ang Beijing Zhenweifang Food Co., na pag-aari ng Xinjiang Fruit Industry Group — isa ring “Chinese state-owned enterprise” na umano’y “advances the interests of the Chinese Communist Party.”
Muli namang tumangging sumagot si Buenaventura nang tanungin kung tinitingnan ng AMLC ang mga ugnayang ito. Sinabi lang niya na tatandaan niya ang mga pahayag ni Hontiveros.
Bago ang pagtatanong ni Hontiveros, kinumpirma ni Buenaventura sa cross-examination ni defense lawyer Atty. Mark Vinluan na sa Cale88 napunta ang remittances, hindi kina VP Duterte o Carpio.
Sinabi rin ni Buenaventura na wala sa AMLC records na kumakatawan sa Chinese government ang mga entity na nakatransaksyon ng Cale88. Wala rin aniyang record na nagpadala ng pondo ang China sa Cale88.
Nauna nang itinanggi ng Chinese Embassy sa Manila ang alegasyon ni Trillanes na nagpopondo ang China ng mga Pilipinong politiko.
“Candidate for money laundering”?
Tinanong din ni Senate President Sherwin Gatchalian si Buenaventura kung maaaring maging “candidate for money laundering” ang Cale88, matapos lumabas sa AMLC reports na nakatanggap ang kumpanya ng P776 milyon na hindi nakarehistro sa mga libro nito.
Nag-atubili muna si Buenaventura, pero sa huli ay sumagot: “Kung candidate lang po, yes, but we have to consider all other factors.”
Ipinaliwanag niya ang susunod na hakbang kapag naging candidate for money laundering ang isang kumpanya: “In general, we have to determine kung ano ‘yong unlawful activity na maaaring pinanggalingan ng pera o naging transaksyon sa pera.”
“So hahanapin namin, involved ba ‘to sa kidnapping for ransom, drug trafficking,” dagdag niya. Ernie Reyes