MANILA, Philippines – Bumaba sa 1.91 milyong metric tons (MT) ang kabuuang rice stocks ng bansa nitong Setyembre 1, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), habang naghahanda ang bansa sa inaasahang matinding epekto ng El Niño sa mga susunod na buwan.
Mas mababa ito ng 8% kumpara sa 2.07 milyong MT na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Bumaba rin ng 12.4% ang rice inventory mula sa 2.18 milyong MT noong Agosto.
Naitala rin ang pagbaba ng rice stocks sa mga imbakan ng National Food Authority (NFA) at mga kabahayan.
“This month’s rice stocks inventories registered annual decreases from the NFA depositories by 36.1 percent and from the households by 0.6 percent. On the other hand, an annual increase was noted from the commercial sector by 0.1 percent,” ayon sa PSA.
Sa kabuuang rice stocks noong Setyembre, 42.8% ay mula sa commercial sector, 42.2% mula sa households at 15% mula sa NFA warehouses.
Samantala, sinabi ng Department of Agriculture (DA) na naghahanda ito ng mas malaking food buffer upang mabawasan ang epekto ng posibleng matinding tagtuyot.
Kabilang sa mga hakbang ng DA ang pagpapalawak ng rice storage capacity at pagbubukas ng karagdagang cold storage facilities. Ayon sa departamento, mayroon nang 365 aktibong NFA warehouses, mula sa dating nasa 300, matapos umupa ng karagdagang 165 pasilidad.
Nauna nang sinabi ng DA na maaaring maramdaman ang epekto ng El Niño sa rice supply at production ng bansa sa unang kalahati ng 2027. RNT/MDS