Home HOME BANNER STORY ALAMIN: Mga panuntunang ipatutupad ng Manila North Cemetery

ALAMIN: Mga panuntunang ipatutupad ng Manila North Cemetery

188
0

MANILA, Philippines — Mahigpit na panuntunan ang ipatutupad sa Manila North Cemetery (MNC) sa paggunita ng Undas 2026 upang matiyak ang kaayusan, kalinisan at mapayapang pagdalaw ng mga Manilenyo sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Pinangunahan ni MNC Director Dandan Tan ang paghahanda ng mga alituntunin, alinsunod sa direktiba ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.

Batay sa inilabas na paalala, hanggang Oktubre 27, 2026 lamang papayagan ang paglilinis, pagkukumpuni at pagpipintura sa loob ng sementeryo.

Nakasaad sa paalala na sa Oktubre 28 ang itinakdang huling araw ng paglilibing bago tuluyang ipatupad ang Undas restrictions.

Mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, bukas ang MNC mula 5:00 ng umaga hanggang 8:00 ng gabi. Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagpasok ng anumang uri ng sasakyan sa mga araw na ito.

Magbabalik naman sa regular na serbisyo sa Nobyembre 3, 2026 ang Manila North Cemetery.

Ayon kay MNC Director Dandan Tan, hindi lang oras at daloy ng mga bisita ang tututukan ng pamunuan dahil mahigpit din na ipinagbabawal ang pagdadala ng matatalim na bagay gaya ng kutsilyo, cutter at spatula; mga nakalalasing na inumin; alagang hayop; gitara, malalakas na sound system at speaker; gayundin ang mga madaling magliyab na bagay tulad ng alcohol at thinner.

Kasama rin sa bawal ang lahat ng uri ng sugal sa loob ng sementeryo.

Samantala, may inihandang E-trike ang pamunuan ng MNC para sa mga PWD at senior citizen na dadalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.

Ayon kay Director Tan, maaaring gamitin ang mga E-trike upang maihatid ang mga senior citizen at persons with disability (PWD) hanggang sa kanilang mga puntod na dadalawin. Mayroon ding mga wheelchair na maaaring gamitin ng mga nangangailangan ng dagdag na tulong sa pag-iikot sa malawak na sementeryo.

Layunin ng mga hakbang na ito na maging mas ligtas, maayos at maginhawa ang paggunita ng Undas, lalo na para sa mga nakatatanda at PWD.

Paalala ng MNC, ang Undas ay panahon ng pag-alala at pagdarasal—kaya makiisa sa mga alituntunin para maging maayos, malinis at mapayapa ang paggunita. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here