OCCIDENTAL MINDORO, Philippines – Arestado ang isang lalaki matapos umanong mahuling naglilipat ng 1,380 litro ng diesel na nagkakahalaga ng P129,720 sa Barangay Pag-asa nitong Martes, Oktubre 6.
Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen tungkol sa malaking dami ng diesel na umano’y inililipat at ibinebenta sa lugar.
Namataan ang suspek na nagkakarga ng diesel sa ilang lalagyan. Sinabi niyang kanya ang gasolina ngunit hindi siya nakapagpakita ng mga dokumentong nagpapatunay na awtorisado siyang magmay-ari o magbenta nito, gayundin ng dokumentong nagsasaad ng legal na pinagmulan ng diesel.
Isinagawa ng San Jose Municipal Police Station, katuwang ang Occidental Mindoro police, ang operasyon bandang alas-2:15 ng hapon sa baybayin ng Barangay Pag-asa.
Nakumpiska ang limang asul na drum na may tig-200 litro, siyam na itim na lalagyan na may tig-25 litro, apat na berdeng lalagyan na may tig-30 litro, isang puting lalagyan na may 20 litro at isang dilaw na lalagyan na may 15 litro ng diesel.
Dinala sa kustodiya ng pulisya ang suspek dahil sa umano’y paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33, na inamyendahan ng Presidential Decree No. 1865, na kumokontrol sa distribusyon ng produktong petrolyo. RNT/MDS