Home NATIONWIDE PBBM nagtalaga ng 3 CA justices kasama anak ni Bersamin

PBBM nagtalaga ng 3 CA justices kasama anak ni Bersamin

2
0

MANILA, Philippines – ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tatlong bagong associate justices sa Court of Appeals (CA) upang punan ang kasalukuyang mga bakante sa 69-member court.

Sa isang Facebook post, araw ng Miyerkules, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na itinalaga ni Pangulong Marcos sina Trade Undersecretary Allan Gepty; Parañaque Regional Trial Court – Branch 294 Presiding Judge Leilani Marie Dacanay-Grimares; ng Las Piñas RTC Executive Judge Pia Cristina Bersamin-Embuscado bilang mga bagong CA associate justices.

Nito lamang buwan ng Agosto, itinalaga ni Pangulong Marcos si Justice Assistant Secretary Randolph Pascasio bilang associate justice ng CA.

Ang apat ay kabilang sa 80 nominado na nasa short list na isinumite ng Judicial and Bar Council (JBC) sa Pangulo noong Hulyo upang punan ang apat na bakante para maging associate justice sa CA nang oras na iyon.

Pinalitan ng mga ito ang apat na retiradong associate justices ng CA, na umabot na sa compulsory retirement age na 70, sa katauhan nina Marie Christine Azcarraga-Jacob, Evalyn Arellano-Morales, Marlene Biag Gonzales-Sison, at Apolinario Bruselas Jr.

Sa kabilang dako, hanggang ngayon ay hindi pa naisusumite ng JBC sa Pangulo ang short list na papalit naman kay dating CA Associate Justice Rafael Antonio Santos, na nag-avail ng early retirement nito lamang Pebrero.

Si Bersamin-Embuscado ang pinakamatandang anak na babae ni Executive Secretary Lucas Bersamin. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here