MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na nililinis ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng kanyang administrasyon ang kalat na iniwan ng kanyang predecessor na si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte.
Tugon ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa naging pahayag ng tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., inakusahan ang administrasyong Marcos nang pagpapasa ng sisi sa mga Duterte sa problema nito kabilang na ang usapin ng korapsyon.
“Ang Pangulo, hindi natutulog sa isyu ng korapsyon. Siya ang naglilinis sa kalat na ginawa ng nakaraang administrasyon. ‘Mahiya naman kayo.’ Iyan ang sabi ng Pangulo,” ayon kay Castro.
“Na hindi naganap at hindi nangyari sa panahon ni dating Pangulong Duterte, kahit alam niya na maraming ghost projects,” aniya pa rin.
Winika pa ni Castro na napuna na ng namayapang Camarines Sur Representative Rolando Andaya Jr. ang maanomalyang infrastructure projects, unang bahagi pa lamang ng taong 2018.’
“Ano ang ginawang pag-iimbestiga sa mga korapsyong naganap noon? So ngayon, sino ang hindi alam ang issue tungkol sa corruption? At ang principal niya mismo ay nasusuong sa isyu ng corruption. Kaya nga po dinidinig,” ang tinuran ni Castro.
“Hindi po naman pwedeng hindi balikan ang mga basura ng nakaraang administrasyon,” aniya pa rin.
Tinukoy ni Castro ang mga usapin na may kinalaman sa Philippine offshore gaming operators (POGOs), ang Pharmally scandal at ang pahayag ni Digong Duterte ukol sa korapsyon.
Binigyang diin ni Castro na hindi maaaring ipagwalang-bahala na lamang ng Pangulo ang mga usaping ito.
“Hindi niya maipipikit ang kanyang mata sa ghost projects na inamin ni dating Pangulong Duterte. Ano ang gagawin natin doon? Pipikit tayo? Magbubulag-bulagan tayo? Magbibingi-bingihan tayo?” ang pahayag ni Castro. KRIS JOSE