Home NATIONWIDE P9.22B halaga ng uninsured assets ng MMDA pinuna ng COA

P9.22B halaga ng uninsured assets ng MMDA pinuna ng COA

3
0

MANILA, Philippines – Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang mahigit P9.22 bilyong halaga ng mga ari-arian sa ilalim ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nananatiling uninsured.

Ito ay lumalabag umano sa Property Insurance Law at nagdadala sa pamahalaan patungo sa financial risks.

Sa 2025 audit report, sinabi ng COA na sinuri nito ang pagsunod ng MMDA sa Republic Act No. 656, o Property Insurance Law, at nakitang P4.42 bilyon lamang sa P13.64 bilyong halaga ng insurable properties ang sakop ng insurance noong nakaraang taon.

Dahil dito ay may P9.22 bilyon pa o 67.60 percent na halaga ng assets ang walang insurance coverage.

Ayon sa report, karamihan sa uninsured properties ay ang pumping stations at floodgates na mahigit P8.47 bilyong halaga ng assets ang hind insured, sinundan ng construction at iba pang heavy equipment sa P220 milyon at ferry office stations sa P212 milyon.

Sa uninsured properties, sinabi ng COA na P8.86 bilyon na ang nasita sa nakaraang report ngunit nananatiling walang insurance coverage para sa taong 2025.

Anang COA, ang kakulangan ng insurance coverage ay sumasalamin sa hindi pagsunod sa Sections 2, 5, at 11 ng Property Insurance Law.

“Pumping stations and floodgates play a vital role in managing water levels and preventing widespread flooding in Metro Manila, while ferry stations support mobility and decongestion programs.”

“Damage or loss of these assets due to fire, typhoons, flooding, earthquakes, or other hazards may require substantial government resources for repair or replacement in the absence of insurance protection,” dagdag ng COA.

Sa report, ipinaliwanag naman ng MMDA na hindi ito nakakuha ng insurance coverage sa ilang infrastructure assets dahil sa kakulangan ng titulo ng lupa o ownership documents na kailangan ng insureres, dahil ang mga ari-ariang ito ay matatagpuan sa mga easement, waterways, o lugar na sakop ng jurisdictional limitations.

Ipinunto rin ng MMDA ang kakulangan ng badyet dahil sa mataas na insurance premium costs.

“The [Government Service Insurance System or GSIS] does not insure pumping stations if we do not own the land. The problem with that is it will take some time before we could get a title, and in fact, some of these cannot have titles because they are easements,” sinabi ni MMDA Chair Don Artes noong Martes.

Sa kabila nito, sinabi ni Artes na ang karamihan sa mga pumping station ng MMDA ay insured na at maliit na bahagi na lamang ang nananatiling uninsured.

Sinabi pa niya na ang ahensya ay kasalukuyang “exploring other options” para matugunan ang isyu kabilang ang pagkuha ng insurance mula sa pribadong kompanya.

Bilang bahagi ng rekomendasyon, hinimok ng COA ang MMDA na makipag-ugnayan sa GSIS at iba pang ahensya para matukoy ang iba pang katanggap-tanggap na dokumento o alternative arrangements para mabigyan ng insurance coverage ang mga ari-arian na walang titulo ng lupa.

Hiniling din nito sa MMDA na isama ang kaukulang insurance premiums sa annual budget proposal nito para masiguro ang coverage ng insurance sa government assets. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here