MANILA, Philippines – Isa ang patay habang dalawa iba pa ang sugatan matapos mauwi sa pamamaril ng isa umanong pulis ang rambulan sa labas ng bar sa Tarlac City.
Ayon sa report, ang insidente ay nangyari sa labas ng bar sa bypass road sa Tarlac City.
“Nagkarambulan sila sa labas ng bar na kung saan sila umiinom. Parang yung suspek, nakita niya yung mga kasama niya na nakukuyog kaya siya naglabas ng baril at nagpaputok,” sinabi ni Police Lt. Con. Glen Santiago, chief, Tarlac City Police Station, sa panayam ng GMA News.
Tatlong indibidwal ang tinamaan ng pagpapaputok ng suspek na agad dinala sa ospital.
Ang isa sa mga ito ay namatay habang ginagamot.
Inaresto naman ang 36-anyos na suspek na natukoy bilang isang pulis. Nakumpiska naman ang kalibre .36 na baril mula sa kanya.
Inilagay na sa inquest proceeding ang suspek at nahaharap sa reklamong homicide at frustrated homicide. RNT/JGC