Home NATIONWIDE Housing loan ng biktima ng kalamidad, buburahin sa panukala ni Escudero

Housing loan ng biktima ng kalamidad, buburahin sa panukala ni Escudero

2
0

MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang pagpasa sa ikalawang pagbasa ng isang panukalang batas na magpapatawad o magbubura sa mga utang sa pabahay ng mga pamilyang nasalanta ng kalamidad.

Dahil dito, mahigit ₱9.5 bilyon na hindi nabayarang housing loan ang mapapawalang-bisa o hindi na kailangang bayaran ng mga apektadong pamilya.

Tinawag bilang Residential Emancipation for Calamity Survivors Act’, layunin ng Senate Bill No. 2508 na alisin ang obligasyon sa utang sa pabahay ng mga pamilyang sinalanta ng kalamidad sa ilalim ng Assistance Program for Calamity Victims ng National Housing Authority (NHA), ayon kay Escudero na siyang tagapamuno ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement.

“Ang pinsala ng kalamidad ay hindi lamang sa bahay at ari‑arian. Madalas, pati kabuhayan at kakayahang magbayad ng isang pamilya ay sinasalanta,” sabi niya.

Binubura ng panukalang ito ang mga hindi nababayarang utang o obligasyon sa pabahay — ang kabuuang halaga ng utang, mga hindi nabayarang hulog, interes, multa, at karagdagang singil—at iniuutos ang pagpapalabas ng Certificates of Condonation na magpapawalang-bisa sa lahat ng pagkaka-prenda (mortgage) sa mga apektadong yunit.

Inaatasang ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at NHA na isumite sa Kongreso ang isang detalyadong listahan ng lahat ng condoned loans sa loob ng dalawang taon sa ilalim ng panukalang batas.

“These amount to approximately P9.55 billion in housing obligations that will be written off,” ani Escudero.

Binigyang-diin pa ng beteranong mambabatas ang mga probisyon na nagbabalik ng karapatan sa mga benepisyaryo na nawalan ng pabahay nang dahil lamang sa hindi pagbabayad at hiniling din niya na ibasura ang mga nakabinbing kaso ng pagbawi ng ari-arian (forfeiture), at baligtarin ang mga kinanselang parangal o pagpapalayas sa mga pamilya, ayon sa pagkakabanggit.

Inaatasan din ng SB 2508 – na ipinasa sa ikalawang pagbasa noong Setyembre 30 – ang Registry of Deeds na maglabas at magrehistro ng mga titulo para sa mga kuwalipikadong benepisyaryo sa loob ng 60 araw mula nang ilabas ang Certificate of Condonation.

Ang housing units na sakop ng panukalang batas ay hindi rin papatawan ng estate tax at hinihikayat ang mga lokal na pamahalaan na magkaloob ng amnestiya sa real property tax at transfer tax.

Sabi ni Escudero, kinikilala ng panukala na hindi kayang ibalik ng pamahalaan ang lahat ng nawala sa mga pamilya noong may kalamidad, ngunit maaari nitong alisin ang mga pasanin na nagpapabagal sa kanilang pagbangon.

“Hindi natin maibabalik ang mga nawala sa kanila sa panahon ng kalamidad. Ngunit maaari nating pagaanin ang kanilang pasanin habang sila ay muling bumabangon,” diin ni Escudero. “

Sa panukalang ito, ang pabahay na ibinigay bilang tulong ay hindi na magiging utang na kailangang bayaran, kundi tahanang tunay na magiging kanila.” Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here