MANILA, Philippines – Swak sa kulungan ang isang babaeng may patong patong na kasong estafa na nasa listahan ng most wanted sa Regional level ang nasakote sa Batangas City.
Sa report, kinilala ang suspek na si alyas “Maila,” residente sa Purok 7, Barangay Sta. Rita Karsada, Batangas City.
Ayon sa ulat, bandang alas 8:25 ng gabi nang magsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng RSOU-RID4A bilang lead unit, katuwang ang PIU Batangas at warrant personnel ng San Pascual MPS, Batangas PPO.
Napag-alaman na ang unang tatlong kaso ay may Criminal Case Nos. 24-0386, 24-0387 at 24-0388, na pawang isinampa sa Municipal Trial Court, Branch 2, Dasmariñas City, at may tig-₱18,000 na inirekomendang piyansa.
May isa pang kaso ng estafa, Criminal Case No. 24-0505, na inilabas ng Municipal Trial Court, Branch 3, Dasmariñas City, na mayroon ding ₱18,000 na inirekomendang piyansa.
Sa kabuuan, ₱72,000 ang pinagsamang inirekomendang piyansa para sa apat na kasong estafa na nakasampa sa Dasmariñas.
Lumalabas na mula sa Dasmariñas City ay may kinahaharap pa rin si “Maila” na iba pang mga kaso sa Laguna, Batangas at Metro Manila kabilang dito ang mga kaso ng estafa at syndicated estafa, gayundin ang ilang paglabag sa Securities Regulation Code (RA 8799).
Batay sa police report, umabot sa 26 ang kabuuang rekord na kinasasangkutan ng suspek.
Nakatakda namang dalhin sa San Pascual MPS ang suspek habang inihahanda ang kaso laban sa kanya. MARGIE BAUTISTA