Home NATIONWIDE Senate probe vs P700M rice smuggling mula Vietnam, ikinasa ni Pangilinan

Senate probe vs P700M rice smuggling mula Vietnam, ikinasa ni Pangilinan

3
0

MANILA, Philippines – Magsasagawa ng imbestigasyon si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa tangkang pagpupuslit ng tinatayang P700 milyong halaga ng bigas mula Vietnam dahil sa seryosong isyu ang patuloy na kawalan ng conviction sa mga big-time smuggler na nagbibigay-daan sa malawakang operasyon.

Bilang chair ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, naghain ng manifestation si Pangilinan sa plenaryo ng Senado nitong Huwebes, Oktubre 8.

“Mr. President, nais nating tiyakin na mababantayan natin itong mga kasong ito through your Committee on Agriculture. And therefore, we request, para mabantayan natin and to exercise our oversight functions, that this manifestation be referred to the Committee on Agriculture,” sabi niya.

“Para naman magkaroon ng dagdag na tutok at magkaroon ng resolusyon at magkaroon ng parusa doon sa mga nasa likod nitong P700 million pesos worth of Vietnam rice surreptitiously and illegally brought into the country,” dagdag niya.

Sinabi ng senador na nakababahala ang tangkang smuggling dahil direktang apektado ang kabuhayan ng mga magsasaka at food security ng bansa.

“Pinapatay nila ang ating mga local farmers. Sinasamantala nila ang kahirapan ng ating mga magsasaka, kaya napakahalagang matutukan nito,” aniya.

Ayon sa ulat, nahuli ng Bureau of Customs o BOC kasama ang Department of Agriculture at Philippine Navy ang MV Tay Son 2 at MV Lucky Star noong nakaraang buwan dahil sa kahina-hinalang dokumento at pagkakansela ng sanitary permits.

Ang MV Tay Son 2 na may kargang 12,500 metric tons ng bigas ay sinubukang umalis sa Port of Davao nang hindi kumpleto ang Customs processing. Hinabol at inaresto ito ng Philippine Navy sa karagatan.

Samantala, ang MV Lucky Star na may 7,500 metric tons ng bigas ay nahuli sa Port of Limay dahil hindi tumugma ang import permit sa aktwal na karga.

Sa kabuuan, tinatayang 20,000 metric tons ng Vietnamese rice ang sakay ng dalawang barko na nagkakahalaga ng P700 milyon base sa world market price na $420 per metric ton.

“At dahil dito, Mr. President, kaya napakaraming gustong mag-smuggle at marami naman nasa kasabwat dahil ang laking perang umiikot dito sa pag-smuggle ng agriculture products,” sabi ni Pangilinan.

Pinuna rin ng senador na kahit may RA 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act na nagsasabing non-bailable na ang kasong aabot sa P10 milyon, wala pa ring big-time smuggler na nakukulong.

“Sadly, however, the record of apprehension leading to imprisonment and conviction, thus far, is dismal. Kaya masasabi natin, wala pang big-time billionaire smugglers ang nakukulong sa ganitong gawain. Maraming seizure, maraming confiscation, pero pagdating sa conviction, mukhang may mga magic na nangyayari,” pahayag niya.

“Siguro naman, ika nga, baka naman sa 700 million na nakumpiska, eh meron nang makukulong na malaking bilyonaryong mga smuggler,” diin pa niya.

Hindi ito ang unang pagkakataon na binatikos ni Pangilinan ang mababang conviction rate sa agricultural smuggling.

Noong nakaraang pagdinig ng Committee on Justice, sinabi niyang 4 lang sa 132 kaso mula 2021 hanggang 2025 ang naisampa sa DOJ dahil sa kakulangan ng tamang dokumento mula sa BOC.

Panawagan din niya noon na tugisin ang mga tinatawag na “untouchables” o mga big-time financier at backer ng agricultural smuggling. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here