THE HAGUE, Netherlands – Ipinasiya ng International Criminal Court (ICC) na kaya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na humarap sa paglilitis sa kasong crimes against humanity, at ibinasura ang argumento ng depensa na nakaaapekto sa kanyang paglahok sa proseso ang problema sa memorya at pag-iisip.
Sa desisyong may petsang Setyembre 28 na inilabas sa publiko nitong Oktubre 8, sinabi ng ICC Trial Chamber III na kaya ni Duterte na gamitin ang kanyang mga karapatan sa patas na paglilitis. Dahil dito, nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30.
Batay ang desisyon sa mga ulat ng tatlong ekspertong itinalaga ng korte upang suriin ang kakayahan ni Duterte. Nagkaisa ang mga eksperto na kaya niyang unawain ang mga paratang, layunin at posibleng epekto ng paglilitis, ebidensya laban sa kanya, at ang mga hakbang na kailangang gawin ng kanyang mga abogado para sa depensa.
Wala ring nakitang ebidensya ang mga eksperto ng paglala ng kanyang mental state o kakayahang kognitibo. Gayunman, napansin nila ang ilang hindi pagkakapare-pareho sa kanyang mga pagsusuri at sinabi ring mahina pa rin ang kanyang pangangatawan at nangangailangan siya ng pangangalagang medikal at nursing care.
Ayon sa panel, bumuti ang kalusugan ni Duterte mula sa nakaraang pagsusuri dahil sa pangangalagang medikal, masusing pagsusuri at angkop na paggamit ng mga gamot.
Iginiit naman ng depensa na may malaking problema si Duterte sa memorya kaya nahihirapan siyang matandaan ang bagong impormasyon at maalala nang maayos ang mga nakaraan. Hiniling nila ang karagdagang medical examinations o pagkakataong tanungin ang mga eksperto.
Tinanggihan ito ng korte, na nagsabing ang mga napansing kakulangan sa kanyang mga pagsusuri ay iniugnay ng mga eksperto sa hindi lubos na pagsasagawa ng mga ito, habang ang anumang posibleng kapansanan sa pag-iisip ay tinukoy na banayad o nasa maagang yugto.
Hindi rin pinagbigyan ng mga hukom ang argumento na kailangang personal na repasuhin ni Duterte ang daan-daang pahina ng testimonya, maraming oras ng video at libo-libong iba pang ebidensya. Ayon sa korte, pangunahing tungkulin ng mga abogado ang pagproseso ng ganitong karaming materyal.
Gayunman, nagtakda ang korte ng mga hakbang upang mapadali ang paglahok ni Duterte, kabilang ang hearing support, tulong sa pagkain, pahinga, ehersisyo at pag-inom ng gamot. Inatasan din ang nursing staff na maging handa sa mga break ng pagdinig.
Walang itinakdang nakapirming oras para sa mga pagdinig. Sa halip, susuriin ang haba ng bawat sesyon batay sa kalagayan at pangangailangan ni Duterte at ng mga testigo. Inatasan din ang Registry na tuloy-tuloy na subaybayan ang kanyang kalusugan at agad ipaalam sa mga hukom ang anumang pagbabago sa kanyang kondisyon.
Matatandaang noong Enero, una nang ipinasiya ng ICC na kaya ni Duterte na lumahok sa mga pre-trial proceedings, at kinumpirma naman noong Abril ang mga kasong kinakaharap niya.
Nasa kustodiya ng ICC si Duterte mula Marso 12, 2025, matapos siyang arestuhin sa Maynila batay sa warrant ng korte. Kaugnay ang kaso sa mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan na naganap sa gitna ng kampanya laban sa ilegal na droga. RNT/MDS