MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa nitong Oktubre 8 ang Senate Bill No. 2424 o “SMART KIDS Act,” na naglalayong limitahan ang pag-access ng mga menor de edad sa mga digital platform na itinuturing na mataas ang panganib sa mga bata.
Labing-anim na senador ang bumoto pabor sa panukala, isa ang tumutol at walang nag-abstain. Inakda at ini-sponsor ito ni Sen. Robinhood Padilla.
Sa ilalim ng panukala, maaaring obligahin ang mga high-risk platform na suspindihin o alisin ang mga account ng mga wala pang 18 taong gulang at magpatupad ng mekanismo para beripikahin ang edad ng mga gumagamit. Kabilang sa mga posibleng saklaw ang Meta Platforms, Roblox at Gorebox.
Hindi saklaw ng panukala ang email, pribadong mensahe, online games na hindi pangunahing social networking service, educational platforms, news services at professional collaboration services.
Kung maisasabatas, pangangasiwaan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagpapatupad nito. Maaaring pagmultahin ng P5 milyon hanggang P20 milyon kada paglabag ang mga digital service provider, bukod pa sa P100,000 araw-araw kung magpapatuloy ang hindi pagsunod. Ang mga magulang o guardian na sadyang tutulong sa mga bata na lusutan ang age verification ay maaaring pagmultahin ng hanggang P50,000, at patawan ng community service at digital parenting program.
Si Sen. Risa Hontiveros ang nag-iisang bumoto laban sa panukala. Ayon sa kanya, mahalaga ang social media sa komunikasyon, pag-aaral, paghahanap ng suporta at pakikilahok ng kabataan sa komunidad.
Binanggit niya ang mga anak ng overseas Filipino workers na umaasa sa social media upang makausap ang kanilang mga magulang, gayundin ang mga menor de edad na nakararanas ng pang-aabuso at nakakahanap ng suporta online.
“Eighteen is the legal threshold for adulthood. But it is certainly not a developmental threshold,” ani Hontiveros, na nagsabing magkakaiba ang antas ng pag-unawa at kahandaan ng mga kabataan kahit pare-pareho silang wala pang 18.
Sa halip na ganap na pagbabawal, iminungkahi niya ang magkakaibang paghihigpit batay sa edad, mas mahigpit na privacy at data protection, limitasyon sa pakikipag-ugnayan sa mga adulto at targeted advertising, at regulasyon sa mga algorithm na naghihikayat ng labis na paggamit ng social media.
Iminungkahi rin ni Hontiveros na pag-aralan ang edad na 15 bilang posibleng batayan ng paghihigpit. RNT/MDS