Home NATIONWIDE Paglikas sa may sakit na PN sa Ayungin Shoal, naantala sa pagharang...

Paglikas sa may sakit na PN sa Ayungin Shoal, naantala sa pagharang ng CCG – PCG

3
0

MANILA, Philippines – Matagumpay na nailikas ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Huwebes ang isang tauhan ng Philippine Navy na nagkasakit habang nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Gayunman, inakusahan ng PCG ang China Coast Guard (CCG) ng panghaharang at paggamit ng water cannon na nagpaantala sa misyon nang halos 10 oras.

Ayon sa PCG, ipinadala nito ang BRP Cabra mula sa Lawak Island upang sunduin ang maysakit na sundalo. Dakong alas-7:30 ng umaga, nasa posisyong humigit-kumulang siyam na nautical miles sa hilaga ng Ayungin Shoal ang barko nang magsagawa umano ng mapanganib na maniobra ang CCG vessel 5306 at gumamit ng water cannon.

Sinabi ng PCG na patuloy na lumapit ang barkong Tsino mula sa layong 1.3 nautical miles hanggang humigit-kumulang 400 yarda mula sa BRP Cabra, sa umano’y pagtatangkang itaboy ito palayo sa bahura. Nagpatuloy umano ang panghaharang hanggang hapon.

Dakong alas-3:15 ng hapon, nailipat nang ligtas ang pasyente at kasama nito sa isang PCG rigid-hull inflatable boat (RHIB). Nakarating ang RHIB sa BRP Cabra bago mag-alas-5 ng hapon.

Agad na sinuri ng medical officer ng PCG ang pasyente, kinunan ng vital signs at binigyan ng intravenous fluids. Ayon sa PCG, matatag na ang kondisyon nito at dinadala sa daungan ng Buliluyan para sa karagdagang gamutan.

Karaniwang ilang oras lamang ang ganitong medical evacuation, ngunit umabot umano nang halos 10 oras dahil sa paggamit ng water cannon, panghaharang at mapanganib na maniobra ng CCG.

Nanawagan si PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan sa China Coast Guard na igalang ang makataong layunin ng mga medical evacuation mission.

“When a life is at stake, there should be no water cannon, no obstruction, and no delay. Saving a sick or injured person at sea is a basic obligation that every coast guard in the world is expected to uphold,” ani Gavan.

Hinimok niya ang CCG na igalang ang mga makataong misyon at kumilos alinsunod sa international law at mga pamantayang inaasahan sa mga coast guard. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here