Home METRO P29.17M yosi, buking ng BOC

P29.17M yosi, buking ng BOC

1
0

MANILA, Philippines – Tinatayang ₱29.17 milyon halaga ng sigarilyo ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) makaraang inspeksyunin ang isang kargamento na idineklarang scrap metal sa Subport of North Harbor.

Sumailalim sa spot checking ang dalawang 1×20 container na nagmula sa Zamboanga, sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) K9 unit. Isang container ang natuklasang naglalaman ng mga ilegal na sigarilyo, habang ang isa naman ay may kargang white cigarette filters na nasa mga kahong may Chinese markings.

Natuklasan ang 320 kahon ng mga sigarilyo na hindi tumugma sa deklaradong laman ng kargamento. Tinatayang nasa ₱9.6 milyon ang import value ng mga produkto, habang umaabot sa ₱29.17 milyon ang kanilang presyo sa mercado.

Iginiit ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na hindi magiging daan ang maling deklarasyon upang maitago ang tunay na laman ng mga shipment at makaiwas sa kaukulang customs at tax requirements.

“Malinaw ang ating paninindigan: hindi magiging daan ang maling deklarasyon para makalusot ang mga iligal na produkto. Patuloy nating paiigtingin ang ating inspections, intelligence operations, at pakikipag-ugnayan sa ating mga partner agencies upang maprotektahan ang revenue ng pamahalaan at ang lehitimong kalakalan,” ani Commissioner Nepomuceno.

Ang pagkakadiskubre sa mga kargamento ay bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng BOC sa intelligence-driven inspections at inter-agency coordination upang matukoy ang mga misdeclared at posibleng illicit shipments bago makapasok sa lehitimong merkado. Kasabay nito, patuloy na isinasagawa ang kaukulang proseso alinsunod sa customs at revenue laws. JAY Reyes

  

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here