BATANGAS, Philippines – Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakahanda itong magbigay ng tulong sa mga pamilyang lumikas dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Taal kasunod ng phreatomagmatic eruption noong gabi ng Oktubre 8.
Ayon kay DSWD Disaster Response Management Group Assistant Secretary Irene Dumlao, mahigit 218,000 family food packs (FFPs) ang nakaimbak sa iba’t ibang bodega sa CALABARZON at maaaring agad ipadala sa Batangas at mga karatig na lugar na apektado ng pag-aalburoto.
Batay sa ulat ng Disaster Response Operations Monitoring, Information and Communication (DROMIC) noong Oktubre 9, mayroon ding mahigit 9,700 non-food items at 11,100 ready-to-eat food packs na nakapuwesto sa mga estratehikong lokasyon sa rehiyon.
Maaari ring gamitin ng DSWD ang ₱291.35 milyong Quick Response Fund (QRF) upang suportahan ang relief operations kung magpapatuloy ang pag-aalburoto ng bulkan.
Sa utos ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga lokal na pamahalaang nagsagawa ng pre-emptive evacuation.
Patuloy rin ang monitoring sa mga lugar na naapektuhan ng ashfall, kabilang ang Agoncillo, Lemery, San Nicolas at bayan ng Taal sa Batangas.
Hinimok ni Dumlao ang mga residente sa mga nabanggit na lugar at kalapit na komunidad na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng kanilang mga lokal na pinuno upang matiyak ang kaligtasan ng lahat. Santi Celario