Home NATIONWIDE Palasyo, itinangging may kinalaman sa paglipat ni Villar sa Senate majority

Palasyo, itinangging may kinalaman sa paglipat ni Villar sa Senate majority

3
0

MANILA, Philippines – Itinanggi ng Malacañang na may kinalaman ang administrasyon sa paglipat ni Sen. Mark Villar sa majority bloc ng Senado, at iginiit na malaya ang mga senador na magpasya para sa kanilang sarili.

Tugon ito sa pahayag ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na lalong nagiging mahalaga para sa administrasyon na mapanatili ang isang malapit na kaalyadong mayorya sa Senado.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, mula nang mahalal si Cayetano bilang Senate President hanggang sa matanggal siya sa puwesto, administrasyon ang lagi nitong sinisisi.

Sa isang press briefing noong Biyernes, Oktubre 9, kasabay ng working visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Singapore, sinabi ni Castro na walang kinalaman ang administrasyon sa mga kontrobersiya sa Senado nitong mga nakaraang buwan, kabilang ang sigalot sa liderato, insidente ng pamamaril at ang umano’y pagtakas ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.

“Hindi ito ninais ng administrasyon. Hindi ito dikta ng administrasyon. May mga sariling isipan at pagdedesisyon ang mga senador; hindi sila maaaring diktahan,” ani Castro.

Dagdag niya, hindi rin nangangahulugan na awtomatikong makakamit ang conviction ni Vice President Sara Duterte sa impeachment trial dahil lamang lumaki ang bilang ng majority bloc.

Ayon kay Castro, bawat senador ay magpapasya batay sa sariling pagsusuri, paniniwala at pakikipagkampihan. Kaya aniya, hindi nangangahulugang kakampi na sa impeachment ni Duterte ang lahat ng sumapi sa majority bloc.

Umaasa rin si Castro na ibabatay ng mga senador na magsisilbing hukom sa impeachment trial ang kanilang boto sa ebidensya, hindi sa kanilang mga alyansa.

“Ang dasal lang natin, at marahil ito rin ang dasal ng lahat ng ating mga kababayan, mag-decide lang sila base sa ebidensya, hindi base sa kaalyado nila o kakampi sila,” aniya.

“So, dapat base lang sa ebidensya dahil ang magwawagi dito ay hindi ang Senado, hindi iyong impeached official, kundi ang taumbayan,” dagdag ng opisyal. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here