MANILA, Philippines – Nagsasagawa na ng comprehensive tax audit ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Cale88 Foods Corp., exporter ng banana chips na may bahagi ang asawa ni Vice President Sara Duterte na si Manases Carpio, ayon sa prosecution witness na si BIR chief of staff Atty. Anne Loraine Garcia-Marquez.
Sa tanong ni Senate President Sherwin Gatchalian kung “candidate for a letter of authority” (LOA) ang Cale88. Ang LOA ang nagpapahintulot sa mga revenue examiner na mag-audit ng isang taxpayer.
“In fact your honor, meron na pong letter of authority (on Cale88),” ani Garcia-Marquez.
“So iniimbestigahan niyo na itong company na ito,” tanong ni Gatchalian.
“Yes, your honor,” sagot ng testigo.
Ayon kay Gatchalian, batay sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), umabot sa P776 milyon ang inward remittance ng Cale88 mula pero P208 milyon lamang ang kabuuang benta na iniulat nito sa BIR. Halos kalahati ng inflow, o P319 milyon, ay galing sa mga kompanyang Chinese.
Tinanong ni Gatchalian kung ano ang maaaring magpaliwanag sa agwat, sinabi ni Garcia-Marquez, dapat ay naiulat sa audited financial statement ang lahat ng inflow.
“As to those outside or hindi na-declare sa audited financial statement, marami pong possibilities but hindi ko rin po masasabi, your honor,” ani Garcia-MArquez.
Tinanong din ng senador kung ano ang mangyayari kapag may under-declaration ng benta.
“May civil at criminal aspects po yan. Civil, dito po papasok yung deficiency taxes na dapat bayaran. At kung napatunayan na may tax evasion, dito po papasok yung criminal case,” sabi ni Garcia-Marquez.
Nauna nang lumabas sa pagdinig na may comprehensive tax audit din ang BIR sa Bise Presidente at sa kanyang asawa.
Pinahintulutan ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza ang pagsusuri sa dalawang magkahiwalay na LOA na inilabas noong Abril 29.
Saklaw ng audit ang “all internal revenue taxes” mula Enero 1, 2006 hanggang Disyembre 31, 2025 para kay Duterte, at mula Enero 1, 2014 hanggang Disyembre 31, 2025 para kay Carpio.
Ang tax audit sa mag asawa ay alinsunud sa Run After Tax Evaders(RATE) program ng BIR. Gail Mendoza