Home TOP STORIES US, nagpataw ng parusa sa ICC; hukuman, kumondena

US, nagpataw ng parusa sa ICC; hukuman, kumondena

4
0

WASHINGTON, United States – Nagpataw ng sanctions ang Estados Unidos laban sa International Criminal Court (ICC) nitong Biyernes, at nangakong pipigilan ang operasyon nito.

Ito ay bahagi ng patuloy na kampanya ng administrasyon ni US President Donald Trump laban sa hukuman na nakabase sa The Hague.

Ayon kay US Secretary of State Marco Rubio, ipagbabawal ng Washington ang mga transaksiyon sa tinawag niyang “rogue court.”

“Either the ICC will end its threats, or we will end the ICC,” pahayag ni Rubio.

Sinabi niyang layunin ng sanctions na protektahan ang mga tauhan ng seguridad at mga halal na opisyal laban sa pag-uusig ng ICC, na hindi kasapi ang Estados Unidos.

“President Trump will never allow the International Criminal Court to prosecute Americans,” ani Rubio. Dagdag niya, puputulin ng mga hakbang ang mga mapagkukunan ng pondo at iba pang suporta ng hukuman upang pahinain ang operasyon nito.

Ayon kay Rubio, mahigit isang taon nang ipinapaliwanag ng Washington ang mga pagbabagong nais nitong makita mula sa ICC, ngunit wala umanong “meaningful steps” na ginawa upang tugunan ang mga alalahanin ng US.

Hinimok din niya ang mga kaalyado ng Estados Unidos na kasapi ng ICC na pigilan ang hukuman. Nagbabala siyang magpapatuloy ang Washington sa pagsisikap na lansagin ito “brick by brick.”

Nauna nang nagpataw ang administrasyong Trump ng sanctions laban sa ilang opisyal ng ICC, kabilang ang prosecutor at mga hukom, dahil sa mga imbestigasyong may kaugnayan sa Estados Unidos at Israel, na hindi rin kasapi ng hukuman. Nitong nakaraang buwan, hinimok din ni Trump ang mga kasaping bansa na umalis sa ICC, na tinawag niyang “out of control” at isang “rogue institution.”

Naganap ang hakbang ng US sa araw ding iginawad ng Norwegian Nobel Committee ang Nobel Peace Prize kay Navi Pillay, isang 85-anyos na hurist mula South Africa. Pinamunuan niya ang tribunal para sa genocide sa Rwanda, nagsilbi sa ICC at nanguna rin sa isang komisyon ng United Nations na nag-akusa sa Israel ng genocide sa Gaza. Hindi binanggit ni Rubio si Pillay o ang Nobel award sa kaniyang pahayag.

Samantala, kinondena ng ICC ang sanctions ng US, na anila’y pag-atake sa international law at sa pandaigdigang sistemang legal.

“The sanctions are an assault on the rule of law and on the very foundations of the international legal order which strikes at the simple principle that no one stands above the law,” ayon sa pahayag ng hukuman.

Sinabi ng ICC na layunin ng mga hakbang na takutin ang mga tauhan nito at gambalain ang operasyon, ngunit hindi umano ito magpapadaig.

“The Court will continue to fully discharge its mandate, with independence and impartiality, acting only on the basis of the law and the evidence, for the sake of the countless victims of grave crimes,” pahayag ni ICC President Tomoko Akane.

Nanawagan din ang hukuman sa 125 kasaping bansa nito na suportahan ang institusyon, at iginiit na nasa kanilang mga kamay ang kinabukasan nito.

“Future generations, and above all the victims of mass atrocities, will ask how we responded when an institution created to protect them came under attack,” dagdag ng ICC. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here