Home HOME BANNER STORY PUBs, pinag-aaralang alternatibo sa limitadong biyahe ng LRT-2 – DOTr

PUBs, pinag-aaralang alternatibo sa limitadong biyahe ng LRT-2 – DOTr

1
0

MANILA, Philippines – Inatasan ng Department of Transportation (DOTr) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Light Rail Transit Authority (LRTA) na pag-aralan ang pag-iisyu ng special permit sa mga Public Utility Bus (PUB) na bibiyahe sa rutang Antipolo Station hanggang Recto Station at pabalik, upang matulungan ang mga pasaherong apektado ng limitadong operasyon ng LRT-2.

Ayon sa DOTr nitong Biyernes, ipinag-utos ito ni Transportation Secretary Giovanni “Banoy” Lopez. May itatalagang hintuan ang mga bus sa bawat istasyon.

Sa kasalukuyan, walong tren lamang ang ginagamit sa LRT-2 dahil ina-upgrade ang isang tren habang inaayos naman ang isa pa. Nauna nang inanunsiyo ng LRTA na siyam na tren lamang ang bibiyahe tuwing Martes hanggang Linggo habang ina-upgrade ang Train Operating Control Panel.

“Mula po sa DOTr at LRTA, humihingi po kami ng paumanhin sa ating mga mananakay na naaapektuhan. Nauunawaan po namin ang hirap na dinaranas ng ating mga komyuter na sumasakay sa LRT-2,” pahayag ni Lopez.

“Kaya naman inatasan po natin ang LTFRB at LRTA na mag-coordinate para sa panukalang pag-i-isyu ng special permits sa mga bus para may masakyan ang ating mga pasahero habang tinutugunan natin ang kakulangan sa bilang ng tren,” dagdag niya.

Pinag-aaralan din ng ahensya ang operasyon ng mga PUB, pamasahe, at pagsunod sa mga umiiral na regulasyon at prangkisa para sa panukalang ruta.

Patuloy ang pagsisikap ng DOTr at LRTA na makakuha ng pondo para sa karagdagang tren, ngunit maaaring umabot pa ng tatlong taon bago dumating ang mga ito.

“Layunin ng inisyatibong ito na magbigay ng alternatibong masasakyan ang mga komyuter at maibsan ang siksikan sa mga istasyon ng LRT-2, lalo na tuwing peak hours,” ayon sa ahensya. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here