MANILA, Philippines – Hiniling ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) Chairman Al Haj Murad Ebrahim na makipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang talakayin ang pagpapatupad ng kasunduang pangkapayapaan sa Bangsamoro.
Sa liham na may petsang Oktubre 1 at ipinadala sa pamamagitan ni Executive Secretary Ralph Recto, hiniling ni Ebrahim ang pagpupulong kasama ang mga kinatawan ng pamunuan ng MILF “at a time convenient to you.”
Nilagdaan niya ang liham bilang chairman ng MILF, pangulo ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP), at halal na miyembro ng papasok na regular na Bangsamoro Parliament.
Ayon kay Ebrahim, kasunod ng halalan sa parlamento ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) noong Setyembre 14, nais ng MILF na muling pagtibayin ang pangako nito sa kapayapaan at simulan ang diyalogo sa administrasyon hinggil sa katatagan, pagkakaisa at pag-unlad ng rehiyon.
Layunin ng pagpupulong na mabigyan ng update ang Pangulo tungkol sa proseso ng kapayapaan, maihain ang mga hindi pa nareresolbang usapin, at mapagkasunduan ang mga konkretong hakbang upang ganap na maipatupad ang 2014 Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) at Bangsamoro Organic Law (BOL).
Binigyang-diin din ni Ebrahim ang kahalagahan ng normalization, kabilang ang pag-decommission sa mga mandirigma ng MILF at pagtupad ng pamahalaan sa mga pangakong tulong pangkabuhayan, socioeconomic assistance, at pagpapaunlad ng mga komunidad na naapektuhan ng kaguluhan.
Ayon sa kanya, mahalaga ang mga hakbang na ito upang matulungan ang mga dating mandirigma at kanilang pamilya na makabalik sa pamumuhay bilang mga sibilyan.
Hiniling din ng MILF ang suporta ng Pangulo sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, pagsusulong ng pagkakasundo sa pagitan ng mga kampong politikal, at pagpapabuti ng koordinasyon ng pambansang pamahalaan at mga institusyon ng Bangsamoro. RNT/MDS