MANILA, Philippines – Patay ang 60-anyos na lalaki matapos mahulog sa hindi tinakpang hukay na mahigit 30 talampakan ang lalim na hinukay umano ng treasure hunters sa Abucay, Bataan.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Antonio Villanueva, residente ng Barangay Calaylayan, na nangunguha ng kawayan at iba pang materyales para ibenta sa mga flower shop.
Nag-alala na ang pamilya ni Villanueva nang hindi na ito makauwi sa kanilang bahay gabi ng Biyernes, Oktubre 9 at humingi na ng tulong na hanapin ito.
Nagsagawa ng search operation ang rescue team na binubuo ng mga tauhan mula sa municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at lokal na pulisya para sa nawawalang lalaki.
Dito na natagpuan si Villanueva sa ilalim ng hukay at naiahon tanghali ng Sabado. RNT/JGC