Home NATIONWIDE Iloilo water utility naghahanda na sa Super El Niño

Iloilo water utility naghahanda na sa Super El Niño

1
0

MANILA, Philippines – Pinaiigting na ng Metro Pacific Iloilo Water (MPIW) ang paghahanda nito sa inaasahang “Super El Niño” mula Disyembre hanggang Marso upang mabawasan ang posibleng epekto ng kakulangan sa suplay ng tubig sa Iloilo City at mga karatig na bayan.

Ayon sa kumpanya, posibleng bumaba sa 50 milyong litro kada araw (MLD) ang suplay ng tubig sa pinakamatinding senaryo ng El Niño.

Sa kasalukuyan, tumatanggap ang MPIW ng humigit-kumulang 81 MLD mula sa dalawang bulk water supplier.

Kapag lumala ang tagtuyot mula Disyembre 2026 hanggang unang quarter ng 2027, posibleng ipatupad ang water rationing sa Iloilo City at pitong kalapit na munisipalidad.

Sa abiso noong Setyembre 23, sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na inaasahang lalakas pa ang kasalukuyang El Niño at magiging very strong event sa pagitan ng Setyembre at Disyembre 2026, bago magpatuloy hanggang sa unang kalahati ng 2027.

Ayon kay MPIW Chief Operating Officer Angelo David Berba, ginagamit ng kumpanya ang karanasan nito noong 2024 El Niño bilang batayan sa paghahanda sa posibleng krisis sa tubig.

Noong panahong iyon, bumaba nang humigit-kumulang 26.86 MLD ang suplay, dahilan upang magpatupad ang kumpanya ng iskedyul ng distribusyon ng tubig sa mga apektadong lugar.

Sinabi ni MPIW Operations Division Head Jedd Allen Roxas na batay sa karanasan noong 2024, posibleng bumaba sa average na 50 MLD ang arawang suplay.

Kapag bumaba sa 70 MLD ang suplay, inaasahang mababawasan nang humigit-kumulang apat na oras ang arawang oras ng pagkakaroon ng tubig sa ilang lugar.

Kung bumaba pa ito sa 60 MLD hanggang sa pinakamasamang senaryong 50 MLD, palalawakin ang salit-salitang distribusyon ng tubig sa Iloilo City at pitong karatig na munisipalidad.

Plano rin ng kumpanya na palakasin ang paghahatid ng tubig sa mga lugar na maaapektuhan ng rationing.

Target ng MPIW na makapagdagdag ng humigit-kumulang 25 MLD sa suplay sa pamamagitan ng groundwater sources, modular treatment facilities at pagbawas sa water losses mula sa distribution network.

Ayon kay Berba, kasalukuyang naghuhukay ng mga balon ang kumpanya sa lugar ng Santa Barbara-Cabatuan na inaasahang makapagbibigay ng karagdagang 10 MLD.

Inaasahan ding magsimulang gumana sa pagitan ng ikatlo at ikaapat na linggo ng Oktubre o sa unang linggo ng Nobyembre ang modular treatment facility sa Prime Estates sa La Paz district, Iloilo City. Tinatayang makapagdaragdag ito ng 1 MLD sa suplay.

Kabilang din sa mga hakbang ang pagkukumpuni ng mga tumutulong tubo at pagpapalit ng mga luma at sirang pipeline.

Tinatayang nasa 45 porsyento ang nonrevenue water rate ng kumpanya, o tubig na nawawala sa sistema at hindi napagkakakitaan, kabilang ang nawawala dahil sa mga tagas.

Ayon kay Berba, halos 45 porsyento ng humigit-kumulang 80 MLD na suplay ng kumpanya ang nawawala dahil sa mga luma, sira at tumutulong tubo na nangangailangan ng pagpapalit.

Kung bumaba sa 50 MLD ang suplay, posibleng magpatupad ang MPIW ng rotating water supply schedule kada zone. Sa ilang lugar na nasa dulo ng distribution network, maaaring lumiit mula 10 oras hanggang anim na oras ang arawang oras ng pagkakaroon ng tubig.

Sa kasalukuyan, may 20 water tanker ang kumpanya at maaari pa itong dagdagan sa 36 kung lalala ang sitwasyon.

Gagamitin ang mga tanker upang maghatid ng tubig sa mga lugar na higit na maaapektuhan ng rationing, lalo na sa mga komunidad na nasa dulo ng distribution network.

Gayunman, hindi pa matukoy ng MPIW kung kailan eksaktong magsisimula ang pagbabawas ng suplay dahil nakadepende ito sa dami ng ulan at tubig na makukuha mula sa mga pinagkukunan nito.

Patuloy na minomonitor ng operations at engineering teams ng kumpanya ang suplay ng tubig katuwang ang mga bulk water provider.

Hinimok naman ni Berba ang mga konsyumer na magtipid sa paggamit ng tubig at agad iulat ang mga tumutulong tubo upang mabilis itong maipaayos.

“If you see leaks on the streets, please report it to us. We will repair it,” ani Berba. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here