Home NATIONWIDE ‘Fire trikes’ dinipensahan ng BFP

‘Fire trikes’ dinipensahan ng BFP

1
0

MANILA, Philippines – Dinipensahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang paggamit ng maliit na fire trikes sa pagsasabing mas mabilis na makakaresponde ang mga ito sa mga emergency sa maliliit na kalsada at lugar na hindi marating ng regular na fire truck.

Ito ang pahayag ni BFP Officer-in-Charge FCSupt. Wilberto Rico Neil Kwan Tiu kasunod ng pagkalat ng mga larawan ng fire trikes sa social media at pagkwestyon ang mga firefighting capability ng mga ito.

Ani Kwan Tiu, ang mga sasakyang ito ay karaniwang inisyatibo ng mga lokal na pamahalaan para sumuporta sa mga fire station lalo na ang mga may kakulangan sa fire truck.

“Malaking tulong po ito dahil nga madagdagan ang assets ng ating mga local fire stations ng ating mga BDRMO at ng ating mga local disaster risk reduction management office,” aniya.

Ipinaliwanag din nito na ang mga maliliit na sasakyan ay naka-disenyo para sa masisikip na eskinita at kalsada na pahirapang maabot ng mga regular na fire truck.

Hinimok ni Kwan Tiu ang publiko na huwag maliitin ang kakayahan ng mga ito dahil lamang sa kanilang laki at limitadong water capacity.

“Dahil sa isang sunog, hindi lamang laki ng fire truck ang batayan sa pagiging epektibo ng isang fire response. In a fire operation, the most important strategy is on how fast you can introduce a cooling effect in a burning structure,” ayon sa opisyal.

“Dito nagiging mahalaga at epektibo ang ating mga fire trike. Kaya sa halip na maliitin o gawing biro ang isang maliit na fire trike, tingnan natin ito bilang isang mahalagang bahagi ng ating fire response capability,” giit nito.

Nauna nang nilinaw ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remull na ang mga maliliit na fire trike na kumakalat online ay hindi mga fire truck na nabili ng kagawaran sa halaga tig-P10 milyon.

Ani Remulla, ang planong procurement ay mga fire truck na mula sa South Korea. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here